Carnapper na nadakip ikinanta ang apat pa

INGINUSO ng isang nadakip na carnapper ang apat pa nitong kasamahan matapos siyang masita sa isang checkpoint sa Quezon City, ayon sa report ng lokal na kapulisan Lunes.

Kinilala ang mga nadakip na sina: Mark Teogolo 30, ng 37 BMA Balutao st., Barangay Tatalon, ng nasabing lungsod; Allan Addebrooke 42, tricycle driver;  Antonio Guzon, 50; Jes Marc Sun, 29, mekaniko; at Robert Jay Roa, 32, ng Caloocan City.

Ayon sa ulat ng Quezon City police, nasita ng mga awtoridad ang suspek na si Teogolo sa checkpoint sa San Francisco del Monte ave. kanto ng Roosevelt ave. sa nasabing lungsod dahil sa wala itong helmet na suot bukod sa walang plaka at papeles ang motosiklong sinasakyan.

Dahil dito naghinala ang mga pulis na nakaw ang gamit nitong motorsiklo.

Nang buksan ang compartment ng motorsiklo ay nakita sa loob ang plaka nitong 6781-TH.

Agad dinala si Teogolo sa Camp Karingal para gawan ng imbestigasyon, subalit ilang minuto pa lamang ang lumipas ay kumanta na ito.

Ibinulgar ni Teogolo kung saan niya nakuha ang motor. Aniya, binili niya ang nasabing motor kay Addebrooke at Guson sa halagang P15,000.

Mabilis na nagsagawa ng isang entrapment operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip kina Addebrooke at Guson.

Ipinagtapat ng dalawa na hindi sa kanila galing ang motorsiklo kundi kina Sun at Roa.

Kusang loob silang nakipagtulungan sa awtoridad para madakip ang dalawa pang suspek.

Mabilis na nakipagtulungan ang Quezon City Police sa Northern Police District (NPD) na nagresulta sa pagkakadakip kina Sun at Roa, na nahuli sa isang checkpoint sakay ng isang Yamaha Mio na may plakang NU-4235 at Yamaha Wonder Bike Mio, na may plakang UQ-2950. R.A. Marquez

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply