Carjackers muling hiniya ang pulis Kyusi

HINIYANG muli ng grupo ng carjackers ang pamunuan ng Quezon City Police District  matapos silang umatake at tangayin ang isang sports utility car sa loob pa mismo ng garahe ng pinasok na bahay sa Quezon City.

Inimbitahan ng QCPD Station 3 ang kasambahay na si Flordeline Bontigao, upang maisailalim sa masusing interogasyon kaugnay sa nasabing insidente.

Nagtataka ang pulisya kung paano natukoy ng mga carnapper ang kinalalagyan ng susi ng kulay itim na Montero SUV (PIH-155) na nakaparada sa garahe sa compound na pag-aari ng isang Gng. Flordelina Ceriles sa No. 6 Ma. Elena St. Napoleon San Miguel, Carmel 1 Subd., Brgy. Bahay Toro.

Ayon sa ulat, pasado alas-5:00 ng umaga nang pasukin ng hindi pa malamang bilang ng carjackers ang bahay matapos wasakin ang kandado ng gate at pagbasag sa bintana kung saan kinuha ng mga suspek ang susi ng kotse na nakapatong sa istante sa loob ng bahay.

Napag-alaman na si Bontigao ay may isang buwan pa lamang naninilbihan sa pamilya Ceriles.

Dahil sa serye ng carnapping sa lungsod ay binuwag ni District Director Gen. Benjardi Mantele ang kanilang Anti-Carnapping Unit. Ito ay pinalitan ng District Anti-Carnapping Unit o DACU na mas malawak umano ang operasyon na tututok sa mga kaso ng carnapping sa lungsod.

Ang team ng DACU ay pamumunuan ni dating QCPD Station 9 chief Police Supt. Ferdinand Vilanueva at magsisilbing deputy nito si C/Insp. Rodel Marcelo. Alex Ching

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply