CBCP binatikos ang COA

BINATIKOS ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang ginawang “paglalaglag” ng Commission on Audit (COA) sa dating auditor nitong si Heidi Mendoza.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng CBCP, sa halip na suportahan ng COA si Mendoza ay mistulang iniwan pa nito sa ere ang dating auditor, gayung ang pangunahing trabaho ng naturang komisyon ay alamin kung nagagamit ba sa tamang pamamaraan ang salapi ng mga mamamayan.

Naniniwala si Pabillo na bilang sangay ng pamahalaan na direktang nasa ilalim ng executive department, ang dapat na naging aksiyon ng COA ay ang suportahan si Mendoza.

Sa kabila naman nito, sinabi ng CBCP official na maaari pang mapanagot ang mga heneral na sangkot sa Armed Forces of the Philippines (AFP) fund mess, kung talagang desidido aniya ang kasalukuyang administrasyon na ipursige ang kaso laban sa kanila.

“Depende po yan sa ating administrasyon kung talagang ipupursige nila. Sinasabi ni PNoy na kung walang corrupt , walang mahirap. Pero ang nakakadismaya, bakit naman ang COA ay naglabas ng statement na sa halip na suportahan si Heide Mendoza ay parang iniwan pa nila. At ang COA ay under the executive department,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Puwede namang sabihin ng presidente ng tumahimik na muna kayo (COA), kayo din naman ang may kasalanan d’yan tapos kayo pa ang maggaganyan. Kaya depende sa kanya kung talagang ang presidente ba at ang kanyang administrasyon ay talagang handa ba o all-out ba na patayin ang kurapsyon? Nasa kanya ang desisyon,” dagdag pa ni Pabillo.

Ani Pabillo, malaki ang posibilidad na sangkot din ang ilang COA auditors sa mga katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan dahil kung hindi aniya ay dapat na mas marami pang mga katiwaliang natutuklasan at naibubunyag ang mga ito.

“Malaki (ang posibilidad na sangkot sa katiwalian ang ilang COA auditors) at baka may sistema din sa COA. Kasi, hindi lang yan at marami pang katiwalian ang sana ay makita ng COA. ‘Yan naman dapat ang mandato nila sa gobyerno na hanapin ang mga pagkakamaling ganun. Kaya marami din d’yan ang kailangang linisin,” ani Pabillo.

Matatandaang matapos na ibunyag ni Mendoza sa ginawang pagdinig sa Kongreso ang kaniyang mga nalalaman hinggil sa kurapsiyon sa pondo ng AFP, ay nagpalabas ng pahayag ang COA laban sa dating auditor.

Hiniling naman ni Mendoza sa Senado na huwag na siyang pilitin pang gawing resource person kung may kinalaman ang imbestigasyon sa COA na kaniyang dating pinagtatrabahuhan upang hindi na siya maging dahilan nang anumang pagkasira ng imahe nito.

Gayunman, nilinaw naman ni Mendoza na pinaninindigan niya ang kaniyang mga pahayag hinggil sa anomalya, at handa pa rin siyang tumestigo hinggil sa naturang anomalya. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply