CBCP tutol sa LRT, MRT fare hike

TUTOL ang isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa plano ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ituloy ang fare increase sa LRT at Metro Rail Transit (MRT) sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng CBCP, sa halip na magtaas ng pasahe sa tren ang dapat ay palawakin na lamang ng LRTA ang serbisyo at operasyon ng LRT at MRT sa bansa sa pamamagitan nang pagdaragdag ng train lines.

Ani Pabillo, dapat humanap ng iba pang paraan ang pamahalaan kung paano maisa-subsidize ang kanilang serbisyo para sa kapakanan ng riding public.

Matatandaang sinabi ng LRTA na tuloy pa rin ang plano nilang fare increase sa mga susunod na buwan, sa kabila ng unang anunsiyo ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na hindi na matutuloy sa Marso 1 ang planong pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT, kasunod ng dalawang araw na public consultation na isinagawa sa iba’t ibang sektor na maaapektuhan nito.

Gayunman, ayon sa LRTA, bagamat hindi pa sa Marso, tuloy pa rin ang fare hike sa mga susunod na buwan.

Tiniyak din ng LRTA na isasaalang-alang nila ang resulta ng public consultation at gagawing affordable para sa publiko ang fare increase.

Pag-uusapan pa rin naman umano ng LRTA board of directors sa susunod nilang meeting kung magkano ang itataas sa pasahe at kung kailan ipatutupad. KG

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply