Chiz kay Baldoz: Hindi ito ang oras ng sisihan

LANTARANG kinastigo ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang paninisi ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz sa dayuhang employer na siyang may obligasyon sa paglilikas ng mga overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa lumalalang sitwasyon sa Libya.

Sa isang panayam, sinabi ni Escudero na hindi panahon ngayon ng pagtuturuan, bagkus ay dapat magkaisa ang lahat ng sektor upang mailikas kaagad ang lahat ng mga OVFW sa naturang bansa.

“Hindi nga ito ang panahon para magturuan at magsisihan ang importante ngayon obligasyon man ng employer, ng gobyerno ang importante mailikas sila (OFWs) doon. Magturuan at magsisihan sila at magre-imburse na lang sila pagkatapos pero sa ngayon ang mas importante since time is of the essence the government should provide for that mechanism,” giit ni Escudero.

Ani Escudero,dapat may pasilidad ang embahada ng Pilipinas hindi lamang sa Libya kundi sa lahat ng bansang may OFWs upang kung saka-sakaling magkaroon ng kaguluhan ay madaling maililikas ang ating kababayan.

“Hindi puwedeng (umasa sa employer) dapat mayroong facility ang Pilipinas mismo, ang embahada mismo at departamento mismo para sa kanila kung paano maipaparating ang impormasyon na ipapahayag dito,” giit ni Escudero.

Nauna nang sinabi ni Baldoz na obligasyon ng bawat dayuhang employerna ilikas ang kanilang manggagawa sakaling magkaroon ng kaguluhan, ngunit may ilang nagsasabi na hindi nasunod ang ganitong kasunduan matapos iabandona ng ilang employer ang kanilang mga manggagawa  sa Libya.

Dagdag pa ng senador, hindi magiging ligtas ang mga Pinoy worker sa Libya dahil posibleng mas lumala ang sitwasyon dito.

“Sa palagay at sa tingin ko, sasabog ang bansang Libya at magkakaroon ng malaking kaguluhan dyan na hindi magiging ligtas ang ating mga kababayan. No OFW left behind para maramdaman nila yung tunay na titulong tinatawag nating bayani, paramdam naman natin sa kanila ang pagiging bayani nila. Hindi yung pinupuri lamang nating mga bayani yung tinatayuan ng rebulto pagkatapos nilang mamatay na. Iparamdam at ipakita natin sana sa kanila yon habang sila ay buhay pa,” patapos ni Escudero. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply