CLRAA 2011 sumipa na!

MALOLOS – Pormal nang binuksan ang Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) 2011 sa pamamagitan ng isang parada na umikot mula sa mini-forest sa bakuran ng kapitolyo hanggang makarating sa Bulacan Sports Complex kung saan nakahanda ang isang maikling programa.

Naging panauhin pandangal si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa muling pagbubukas ng CLRAA 2011 na tatagal ng anim na araw mula Pebrero 20 hanggang 25.

Puspusan ang ginawang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang masiguro ang kaligtasan ng mahigit 8,000 mag-aaral na atleta na lalahok sa CLRAA.

Kabilang dito ang paglilinis, pagsasaayos at pagtatalaga ng focal person sa mga tutuluyan ng bawat delegado, paghihigpit ng seguridad sa bawat point of entry at exit, at paglalagay ng mga IEC material upang maipaabot sa lahat ang palaro.

Dumating ang 18 delegasyon ng mga atleta noong Pebrero 19 at pansamantalang tumutuloy sa mga billeting school ng Bulacan upang makipagtagisan ng galing sa iba’t ibang larangan ng isports sa pagbubukas ng palaro tulad ng football, gymnastics,taekwondo, softball, arnis, boxing, basketball at table tennis.

Ngayong ika-21 ng Pebrero naman sisimulan ang mga palaro na gaganapin sa itinalagang walong playing venues na binubuo ng Malolos Central School , Calumpit Central School , Capitol Gymnasium, Gen. Isidoro Torres Memorial Elementary School, Bulacan Sports Complex, Marcelo H. del Pilar National High School covered gym, Sta. Isabel Elementary School at Bulacan State University Activity Center .

Matapos ito ay gaganapin naman ang Governor’s Night o Cultural Night kinagabihan, ika-6 ng gabi sa Hiyas ng Bulacan Pavillion kung saan si Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang panauhing tagapagsalita. Tampok din dito ang pagtatanghal ng bawat delegado ng kanilang mga ipinagmamalaking kakayahan, raffle at pagbibigay ng plake ng pagkilala sa mga bisita.

Layunin ng nasabing kompetisyon na mahubog at mahasa ang galing at kakayahan ng mga atleta sa iba’t ibang larangan ng isports gayundin ang kanilang disiplina at mabuting ugnayan sa kanilang kapwa atleta mula sa iba’t ibang paaralan sa Gitnang Luzon. Jun Acot

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply