COA Auditors sabit din sa korapsiyon

INIHAYAG kahapon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na malaki ang posibilidad na sangkot din ang ilang COA auditors sa mga katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan dahil kung hindi, ay dapat na mas marami pang mga katiwaliang natutuklasan at naibubunyag ang mga ito.

“Malaki ang posibilidad na sangkot sa katiwalian ang ilang COA auditors at baka may sistema rin sa COA. Kasi, hindi lang yan at marami pang katiwalian ang sana ay makita ng COA. Yan naman dapat ang mandato nila sa gobyerno na hanapin ang mga pagkakamaling ganun. Kaya marami din dyan ang kailangang linisin,”  pahayag  pa ng Obispo.

Matatandaang matapos na ibunyag ng dating COA auditor Heidi Mendoza sa Kongreso ang kanyang mga nalalaman  sa korapsiyon sa pondo ng AFP ay nagpalabas ng pahayag ang ahensiya ng pagtuligsa laban dito kaya noong Biyernes ay hiniling ni  Mendoza sa Senado na huwag na siyang pilitin pang gawing resource person kung may kinalaman ang imbestigasyon sa COA na kanyang dating pinagtatrabahuhan upang hindi na siya maging dahilan nang anumang pagkasira ng imahe nito.

Gayunman, pinaninindigan ni Mendoza ang kanyang mga pahayag hinggil sa anomalya at handa pa rin umano siyang tumestigo hinggil dito.

Binatikos rin ni Pabillo ang ginawang ‘paglaglag’ mismo ng COA kay Mendoza na ang hangad lamang ay maisaayos ang mga baluktot na sistema.

Ayon kay Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace  ng CBCP, sa halip na suportahan ng COA si Mendoza ay mistulang iniwan pa nito sa ere gayong ang pa-ngunahing trabaho ng natu-rang komisyon ay alamin kung nagagamit ba sa tamang pamamaraan ang salapi ng mga mamamayan.

Naniniwala si Pabillo na bilang sangay ng pamahalaan na direktang nasa ilalim ng Executive Department, ang dapat na naging aksiyon ng COA ay suportahan si Mendoza na tumutupad lamang sa kanyang tungkulin.

Sa  kabila nito, sinabi ng  CBCP official na maaari pang mapanagot ang mga heneral na sangkot sa korapisyon sa Armed Forces of the Philippines kung talagang desidido ang administrasyong Aquino na ipursige ang kaso laban sa kanila.

“Depende po yan sa ating administrasyon kung talagang ipupursige nila. Sinasabi ni PNoy na kung walang corrupt, walang mahirap. Ito malaking korapsyon ang nakikita pero (siya) ang nagkakaproblema at (ang) nakakadismaya, bakit naman ang COA ay naglabas ng ganyang statement na sa halip na suportahan si Heidi Mendoza ay parang iniwan pa nila. At ang COA ay under the Executive Department,” ani Pabillo. Kyle Gatus

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply