Cocaine smuggling busisiin din

KAUGNAY sa gagawing pagdinig ng House Committee on Ways and Means sa diumano’y sabwatang  nagaganap sa pagitan ng car importers at tauhan ng Bureau of Customs, iginiit ng dating Vice Chairman ng Dangerous Drugs Board na busisiin na rin ang posibleng paggamit sa importasyon ng sasakyan bilang front ng pagpupuslit ng droga sa bansa.

Sa isang liham na ipinadala ni Atty. Clarence Paul V. Oaminal, dating vice chairman at Undersecretary ng DDB sa Remate Online, inihalimbawa nito ang ipinuslit na cocaine sa Sasa Port sa Davao noong 2009 na hanggang ngayon ay hindi natukoy kung sino ang nagpasok.

Bukod sa House Committee on Ways and Means ay nakatakda ring mag-imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee sa car smuggling sa Davao City at ang pakiusap ng abogado ay isama na rin ang pagkakadiskubre ng cocaine dito.

Mahalaga aniyang mabatid ng mga mambabatas ang alegasyong hindi nagbabayad ng tamang buwis ang car importers at distributors sa BOC Davao City ay makabubuti pa rin aniyang isama na sa imbestigasyon ang ukol sa pagpupuslit ng droga doon.

Ayon kay Atty. Oaminal, December 16, 2009 nang madiskubre ng mga tauhan ng Philippine National Police ang may 16 kilo ng cocaine sa loob ng isang pribadong bodega ng Maersk Shipping Lines.

Kasunod nito ay sinampahan ng kaso ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang apat na tauhan ng nasabing shipping at forwarding firm.

Ang kapansin-pansin ayon sa dating opisyal ng DDB ay hindi man lamang natunton kung sino ang utak ng cocaine smuggling.

Nang si Oaminal pa ang Vice Chairman ng Dangerous Drugs Board ay kanyang inimbestigahan ang cocaine smuggling subalit siya ay biglang tinanggal sa pwesto ni dating Pangulong Arroyo noong March 2010.

Naalarma si Oaminal sa nagaganap na pagpupuslit ng droga sa mga pier dahil isang linggo lamang ang nakalipas matapos matuklasan ang 16 kilo ng cocaine sa Sasa Port ay may dalawang toneladang cocaine rin ang ibinaba sa pampang ng Eastern Samar .

Binigyang diin pa ni Oaminal na masyadong kaduda-duda ang cocaine smuggling sa Davao City dahil ito ay natagpuan sa isang pribadong bodega.

Ito ay pagpapakita lamang aniya kung gaano kaluwag at kahina ang pagtukoy sa droga sa mga pier sa bansa. Kung hindi pa aniya nadiskubre ng mga technicians ng Maersk ang cocaine ay tuluyan na itong maibebenta sa kalye at hindi na masasabat.

Bukas Pebrero 14 ay nakatakdang simulan ng Kamara ang pagsisiyasat sa pagkalugi ng gobyerno sa buwis dahil sa sabwatan ng car importers at mga tiwaling tauhan ng BOC batay na rin sa resolusyon na inihain ni House Asst. Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay.  Meliza Maluntag

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply