Condo unit sa Taguig itinanggi ni Ligot

ITINANGGI ni dating AFP comptroller Gen. Jacinto Ligot na pag-aari niya ang isang condominium unit sa Lawton Tower, Essencia, Taguig sa kabila nang malinaw na nakalagda siya kasama ang kanyang kabiyak sa Deed of Absolute Sale.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ‘pabaon system’ ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Ligot na bahagi ang naturang ari-arian ng forfeiture case na nakasampa sa Sandiganbayan kaya hindi siya puwedeng magsalita hinggil sa naturang ari-arian.

Sa kanyang pagbubulgar, sinabi ni Sen. Franklin Drilon na lubhang nakapagtataka kung bakit nakalagda siya kasama ang kanyang kabiyak sa Deed of Absolute Sale sa pagbebenta ng naturang condo units sa bayaw nitong si Edgardo Yambao gamit ang address ng heneral sa loob ng Camp Aguinaldo.

Ayon kay Drilon, nakuha ng komite ang naturang dokumento na nagsasabing ibenenta ng mag-asawang Ligot ang naturang condo unit sa halagang P25 milyon kay Yambao na nagkakahalaga ng P35 milyon sa ngayon base sa halaga ng ari-arian sa pamilihan.

“Nakapagtataka naman na lumagda kayo po sa Deed of Absolute Sale, ngunit hindi ninyo alam kung kanino ang condo unit. Sa ngayon nagkakahalaga itong P35 milyon mula sa P25 milyon na halaga ng pagbebenta noong 2003,” ayon kay Drilon.

“That is part of the forfeiture case filed before the Sandiganbayan, thus I invoke my rights against self-incrimination,” giit ni Ligot.

Sinabi pa ni Ligot na depensa nila sa Sandiganbayan kung bakit may pirma silang mag-asawa sa naturang dokumento kaya’t naniniwala ang dating heneral na ginamit lamang ang kanilang pangalan sa naturang Deed of Absolute Sale.

“Gen. Ligot, alam n’yo may notaryo ang Deed of Absolute Sale na sinasabing humarap kayong dalawa sa abogado nang lagdaan ninyo ang dokumento. Eh baka matanggalan ng lisensiya ang abogado kung patuloy ninyong itatanggi ang inyong lagda,” balik ni Drilon.

Sa puntong ito, sinabi ni Ligot na ipinagkatiwala lamang ng kanyang bayaw ang naturang ari-arian sa kanilang mag-asawa na naghudyat ng tawanan sa session hall. “It was held in trust sa aking asawa.”

“Ibig ninyong sabihin, pag-aari ito ni Edgardo Yambao at ibinenta ninyo sa kanya sa halagang P25 milyon, ngunit lumilitaw sa records ng DOJ, wala siyang income o kita sa panahon nang binili ang condo unit na held in trust sa inyo niya mismo,” ayon kay Drilon na lubhang naguguluhan sa statement ni Ligot. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply