Contempt vs ‘pabaon AFP generals’ ipinagpaliban ng Senado

BIGO ang Senado  na maipakulong ang tatlong dating heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa malawakang katiwalian sa militar partikular ang payola at pabaon system.

Ayon kay Senador Teofisto Guingona III, chairman ng blue ribbon committee,  pansamantalang ipinagpaliban ng komite ang bantang contempt laban sa tatlo dahil wala pang pormal na mosyon sa komite kaya’t walang dahilan para aprubahan o desisyunan ng komite ang bantang contempt.

Pag-aaralan ng binuong legal panel kung dapat bang parusahan ang dating mga heneral matapos na magmatigas na di sagutin ang mga katanungan ng mga senador kaugnay ng korapsyon sa AFP.

Sinabi ni Guingona, nag-iingat sila na parusahan sina Garcia at Reyes dahil maaaring dumulog ang mga ito sa korte kapag sumablay ang hakbangin ng Senado.

Natuklasan din na walang formal motion para parusahan ng contempt si Ligot kaya tuloy umano ang imbestigasyon sa kanya at sa misis nitong si Erlinda.

Padadalhan  rin ng subpoena si Reyes dahil dalawang beses na itong hindi dumadalo sa pagdinig komite.

“Pormal munang padadalhan ng subpoena si Gen. Reyes. And if he defies the subpoena, contempt will come in,” ayon kay Guingona.

“For Gen. Ligot, there is no formal request to cite him in contempt. So, dapat mayroon munang maghain ng mosyon sa komite para mapag-aralan at mapagdesisyunan ang kasong contempt,” paliwanag pa ni Guingona.

Ipinagpaliban din ang bantang contempt kay Garcia dulot ng ilang jurisprudence na nakalap ng komite na siyang maaaring gamitin ng kampo nito sakaling ipataw ang kasong contempt.

“We withheld the decision, kailangan munang pag-aralan ang mga maraming jurisprudence tulad ng Neri case at Nazareno case. Baka naman bigla nilang kuwestiyunin sa Supreme Court ang desisyon namin eh, sabihin ninyo, hindi namin pinag-aralan,” paliwanag ni Guingona.

Nauna nang nagbanta sina Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Antonio Trillanes IV na sasampahan ng kasong contempt sina Reyes at abogado nitong si Atty. Bonifacio Alentajan matapos maghain ng mosyon na pinag-i-inhibit ang apat na mambabatas sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado. Ernie Reyes/Vicky cervales

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply