CPP-NPA magdedeklara na rin ng ceasefire

IKINAKASA na rin ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF) ang pagdedeklara ng tigil putukan sa mga susunod na araw kaugnay sa muli nilang pagbabalik sa peace negotiating table sa pamahalaan.

Sa pahayag ng makakaliwang hanay, ang kanilang deklarasyon ay itataon sa pagbalik ng formal peace talks sa Pebrero 15-21 sa Oslo, Norway.

Magugunitang unang nagpahayag ang government peace panel nang pagdedeklra nila ng unilateral ceasefire bilang bahagi ng kanilang pakikipag-usap sa CPP-NDF-NPA.

Ngunit bago ang ceasefire, may kondisyon muna ang rebeldeng grupo upang matiyak umano na hindi aabusuhin ng mga sundalo ang karapatan ng mga sibilyan sa mga lugar na kontrolado ng New People’s Army (NPA).

Ayon pa sa komunistang grupo, sa ceasefire noong Disyembre 19 hanggang Enero 3, marami raw paglabag ang AFP.

Isa sa demand ng CPP sa ceasefire ang pagpapatigil sa operasyon ng militar na target umano ang mga sibilyan, habang umiiral ang tigil putukan.

Dapat daw manatili lang ang mga pulis at militar sa kanilang barracks sa loob ng isang linggong ceasefire.

Naipadala na nila umano ang kanilang demands sa gobyerno at umaasa ng positibong tugon.

Positibo naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kayang magkaroon ng kasunduan ang government security forces at New People’s Army (NPA), para sa ikakatagumpay ng pinaghahandaang formal peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF).

Ayon kay  AFP vice chief of staff Lt. Gen. Reynaldo Mapagu, maaari naman na “magkita sa gitna  ang dalawang panig alang-alang sa inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Samantala, umalis na kahapon papuntang  Oslo, Norway ang government peace panel sa pamumuno ni Usec. Alexander Padilla kaugnay pa rin sa gagawing usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng komunistang grupo. Verlin Ruiz

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply