Dadakip kay Lacson kakasuhan – Poblador

NAGBABALA kahapon ang kampo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kakasuhan nito ang sinumang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) o alinmang law enforcement agency na dadakip sa senador matapos bawiin ng Court of Appeals (CA) ang warrant of arrest.

Inihayag ng abogado ni Lacson, si Atty, Alex Poblador na dapat maintindihan ng NBI at Department of Justice na exeutory na ang pagbasura ng CA sa warrant of arrest laban sa senador.

Iginiit ni Poblador na maaaring kasuhan ng arbitrary detention o illegal arrest ang sinumang miyembro ng NBI na dadakip sa senador sa kabila nang binawi na ito ng CA.

“If he decides to come out and they arrest him on the basis of the warrant that has already been set aside, we will file cases against the authorities and the DOJ, if they instructed to do so, for arbitrary detention or illegal arrest,” babala ni Poblador.

Nauna nang inihayag ni Justice Secretary Leila De Lima na nananatiling “in force” ang warrant of arrest kay Lacson dahil bukod sa hindi pa nababasa ang opisyal na kopya ng desisyon ng CA, naghain pa ng motion for reconsideration ang prosekusiyon at posibleng maghain din ng motion for review sa Supreme Court.

Sinabi pa ni Poblador na wala nang dahilan ang NBI o DOJ na sagkaan ang kalayaan ng kanyang kliyente dahil binawi at ibinasura ng CA ang warrant of arrest at double murder case laban kay Lacson.

“Since the arrest warrants have been nullified, there is no more basis to deprive him of his liberty. A person is entitled to immediate liberty, particularly considering that he is presumed innocent until the contrary is proved, and not until the appeal or motion for consideration is over,” ayon kay Poblador.

Batay sa Rule 117, Section 5 ng Rules of Court, ang pagbasura ng kaso ay executory maliban na lamang kung may kautusan ng pagsasampa ng panibagong asunto, na wala umano sa kaso ni Lacson.

Dagdag pa ni Poblador na kahit pa may karapatan ang prosekusyon na maghain ng motion for review sa Korte Suprema, hindi naman ito dahilan para pigilin ang kalayaan ng senador maliban na lamang kung may salungat na kautusan ang Korte Suprema.

Si Lacson ay mahigit na sa isang taon na nagtatago sa batas matapos na masangkot sa Dacer-Corbito double murder case. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply