Dagdag-singil sa tubig isinisi sa privatization

TUMAAS ang singil sa tubig dahil sa pagsasapribado, ito ang naging sigaw ng mga militanteng grupo hinggil sa tatlong pisong dagdag singil sa tubig.

Ayon kay Anakpawis Executive Vice President Joel Maglunsod, lubog sa kahirapan ang mamamayan habang nagtatampisaw sa tubo ang mga kompanya ng tubig.

Ani Maglunsod,  hindi makatarungan ang pagtataas ng singil na ipatutupad ng Manila Water at Maynilad sa Pebrero 16 dahil wala itong basehan.

Sa bagong singil, may dagdag na P69.12 hanggang P82.80 ang isang karaniwang pamilya na kumukonsumo ng 36 cubic meter ng tubig kada buwan.

Katumbas umano ito ng pagkain ng buong pamilya para sa isang tanghalian o hapunan.

Samantala, ang dalawang kompanyang namamahala sa distribusyon ng tubig sa Metro Manila ay nagtala ng dambuhalang paglaki ng kita.

Ayon sa report, tumaas ng 52% ang netong kita ng Maynilad sa unang siyam na buwan ng 2010 at 34% naman ang itinaas ng netong kita ng Manila Water sa unang anim na buwan ng 2010.

Ayon sa Anakpawis, umaapaw ang tubo ng mga Ayala ng Manila Water at ng mga Pangilinan ng Maynilad, samantalang ang mamamayan ay lunod na lunod naman sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ng utilities tulad ng ilaw at tubig.

Ani Maglunsod, dahil tubig ang batayan ng pangangailangan ng tao, dapat ay ginagarantiyahan ng gobyerno ang distribusyon nito.

Gayunman, patuloy umanong ipinauubaya ang serbisyo nito sa malalaking pribadong kumpanya, kaya hindi maprotektahan ng gobyerno ang mga Filipino.

Aniya, mula nang isapribado ang MWSS noong 1997, sumirit ang basic charge ng Manila water mula P4.96 tungo sa P23.83.

Ang basic charge naman ng Maynilad na mula P4.96 noong 1997 ay magiging P23.83 na. Nenet Villafania

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply