Dalawang katao tiklo sa pamemeke ng alak

NAGBABALA ang Manila Police District  (MPD) sa publiko hinggil sa mga pekeng alak na nagkalat sa merkado dahil hindi ito ligtas inumin matapos makumpirma nitong may sindikato sa likod nito.

Ang babala ay kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang katao, kabilang ang isang nagpakilalang abogado sa  entrapment operation  na isinagawa nitong nakaraang Huwebes sa Tondo, Maynila.

Sa report ni Chief Insp. Fernando Opelanio, kinilala ang mga suspek na sina Renato Bernardo Avelino, 53, alyas “Atty. Ed Zamora,” ng 539 Pavia st., Tondo, Maynila, at Ricky Garcia Mendoza, 39, walang trabaho at residente ng 1502 Franco st., Tondo.

Sina Avelino at Mendoza  ay isinailalim na sa inquest proceedings sa sala ni Assistant City Prosecutor Viven Andino sa mga kasong paglabag sa Revised Penal Code 315 o Estafa at Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of  the Philippines.

Sa tulong umano ng isang   miyembro ng Pasay Police, natukoy ng mga kinatawan ng Diageo Brands B.V. , exclusive distributor ng Johnnie Walker “Black Label” ang mga pekeng produkto kaya agad na  humingi ng tulong sa MPD-District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) para sa pag-aresto sa mga suspek..

Mismong ang broker representative na si Marwin Cortez ng nasabing kumpanya ang nakabili ng siyam na Johnnie Walker Black Label sa halagang P9,000.noong Pebrero 11, 2011. Nang ipasuri at nadeterminang peke ay isinagawa ang entrapment operation nitong Pebrero 16.

Ang raid ay nagresulta sa pagkaka-aresto ng dalawa  na muling nagbenta ng 12 bote ng nabanggit na alak at narekober ng mga awtoridad maging ang P18,000 na marked money.

Ayon kay  Opelanio, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang miyembro ng nasabing sindikato at kung saan ang pagawaan ng alak dahil posible umanong hindi lamang ang nasabing brand ang kanilang pinepeke kung saan ang kalidad nito ay kuwestyunable. Rene Crisostomo

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply