Ex-Gov Reyes idiniin sa Ortega murder

IDINIIN Lunes, Pebrero 28, ang kaugnayan ni dating Palawan Governor Joel Reyes sa kaso ng pamamaslang sa mamamahayag na si Dr. Gerry Ortega sa pagsisimula ng pagdinig ng Department of Justice.

Pinangunahan ni senior state prosecutor Edwin Dayug ang kauna-unahang preliminary investigation sa DOJ kung saan humarap ang apat na suspek sa kaso, kabilang ang pinakabagong suspek na sumuko kahapon na si Arwin Arandia.

Sa panayam kay Arandia, sinabi nito na nagpasya siyang sumuko dahil sa pangungumbinse ng kanyang pamilya.

Sinabi rin nito na ang isa pang suspek na si Rodolfo Edrad, alyas Bumar, ang kumuha sa kanya dati dahil may gusto umanong ipapatay ang gobernador.

Sumuko si Arandia kay running priest Father Robert Reyes na agad namang dinala ang suspek sa sa punong tanggapan ng NBI.

May isang buwan na umanong nagtatago si Arandia sa mga kabundukan at kweba sa Masbate dahil sa takot sa kanyang kaligtasan.

Sinabi ni Reyes na si Arandia ang unang nilapitan ng isa pang suspek na si Nonoy Regalado, aide ni dating Palawan Governor Joel Reyes, para gawin ang pagpatay kay Ortega noong Disyembre.

Si Regalado umano ang nag-abot sa kanila noon ng bala na gagamitin sa pagpatay kay Ortega pero hindi nila iyon naisakatuparan dahil hindi naman nila talaga gawain ang pumatay ng tao.

Itinuturing ni Reyes na mahalagang development ang pagsuko ni Arandia dahil ito umano ang magpapatibay na may kinalaman ang dating gobernador sa pagpatay kay Ortega.

Hindi naman sumipot sa pagdinig ang ilan pang respondent kasama na sina dating Palawan Gov. Reyes dahil ayon sa abogado nito na si Atty. Ferdinand Topacio ay wala silang natanggap na subpoena.

Kaugnay nito, hinamon ng maybahay ni Ortega na si Dra. Patria Ortega si Reyes na kung talagang wala itong kasalanan ay dumalo ito sa muling pagpapatuloy ng pagdinig sa Martes, Marso 1.

Samantala, sinabayan naman ng kilos protesta ng mga lehitimo at kabataang mamamahayag sa pangunguna ng College Editors Guild of the Philippines ang isinasagawang preliminary investigation sa DOJ sa kasong pagpatay kay Ortega.

Ayon sa CEGP, layon ng kanilang pagkilos na igiit ang pagkakaroon ng katarungan sa pagpatay kay Ortega na kilalang tumutuligsa sa mga patakaran sa pagmimina sa Palawan.

Samantala, sa panayam kay Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn sa kanyang pagdalo sa pagdinig, sinabi nito na isang “divine intervention” ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek sa pagpatay kay Ortega.

Naniniwala si Hagedorn na wala nang kawala ang mga utak sa pagpatay kay Ortega dahil lahat ng mga suspek ay iisa ang testimonya na nagtuturo sa utak sa pagpatay.
Kabilang sa mga respondent sa kaso sina dating Palawan Gov. Joel Reyes, dating Marinduque Gov. Jose Carreon, dating Provincial Administrator ng Palawan na si Atty. Romeo Seratubias, Coron Palawan Mayor Mario Reyes, Marlon Recamata, Dennis Aranas, Valentin Lesias, Arturo Regalado, Armando Noel at Rodolfo Edrad. Teresa Tavares

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply