DFA kinalampag sa palit-ulo ng nasa death row

KINALAMPAG ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pamahalaan na isulong ang prisoner exchange treaties sa bansang mayroong overseas Filipino workers (OFWs) sa harap nang napipintong pagbitay sa tatlong Pinoy sa China.

Ayon kay Escudero, maaaring simulan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makipagkasundo sa ibang bansa na may OFWs na magkaroon ng palitan ng preso tulad ng RP- Spain Transfer of Sentenced Persons Agreement.

“We have OFWs serving long sentences and are awaiting death sentences in countries where no family can visit them. This is already a scourge to both the convicted and their families,” giit ni Escudero.

Inihalimbawa ng senador ang kaso nina Ramon Credo, Sally Villanueva at Elizabeth Batain na pansamantalang ipinagpaliban ang pagbitay matapos aprubahan ng Supreme People’s Court ng China ang “special arrangement” sa kanilang kaso.

Ang tatlo ay nahatulan ng kamatayan dahil sa pagdadala ng droga sa China.

Maaari umanong isulong ang prisoner exchange agreement ng DFA sa pamamagitan ng bilateral treaty.

Nilinaw pa ni Escudero na  dapat ilipat kaagad sa bansang pinanggalingan ang mga preso kahit gaano karami ang dayuhang nakakulong sa ating mga piitan.

“We should pursue this treaty especially since we have more citizens in foreign jails rather than the other way around,” ayon sa senador.

Base sa rekord ng DFA, umaabot sa mahigit 3,000 Filipino sa abroad ang nakakulong o nahaharap sa kasong kriminal.

Sa bilang na ito, 70 porsiyento ang nahaharap sa kasong imigrasyon at malapit nang ipatapon kapag napagsilbihan ang kanilang maikling sentensya.

Sa China, umabot sa 78 Filipino ang nahatulan sa kasong droga at naghihintay ng death sentence.

Naitala naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na umabot sa 630 Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa buong mundo hinggil sa kasong pagdadala ng droga.

Karamihan sa mga ito ay “drug mules” ng mga drug lord. Sa bilang na ito ay 62 porsiyento ay kababaihan. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply