DILG, nabulag ba sa illegal gambling sa QC,Malabon?

NITONG mga nakaraang linggo, makailang beses nagsagawa ng koordinasyon sa mga police headquarters na sakop ng Southern Police District (SPD) ang mga tauhan ng isang unit ng Department of Interior and Local Government para daw sa kanilang operasyon kontra illegal gambling.

Ang nasabing unit ng DILG ay pinangungunahan ng isang Chief Inspector Castil, na mismong pumirma sa coordination forms. Bukod sa grupo niya, may mga kasama rin daw silang mga kinatawan ng National Police Commission (Napolcom).

Ang kanilang aksyon ay bunsod daw kasi sa mga naglabasang report sa mga pahayagan na ilang mga pulis (ang iba ay nagpapakilalang mga taga-DILG) ang naglilibot kada linggo sa buong SPD area para umorbit o mangulekta ng “tong” sa
mga “putahan” o night club at sa mga puwesto ng illegal gambling sa naturang mga area of responsibility ng SPD na pinamumunuan ni General Jose Arni delos Santos.

Nabigo naman ang grupo ni Maj. Castil na maka-tsamba ng mga kabaro nilang umoorbit ng mga araw na iyon.

Hindi yata alam ni Maj. Castil na hindi na uso ang orbitan ngayon dahil ang “tong” ay karaniwan nang napupunta diretso sa ATM account ng kolektor na pulis kada linggo o kaya naman ay kada kinsenas at katapusan ng bawat buwan.

Isang kaibigang pulis – na labis nagtataka sa ikinilos ng grupo ni Maj. Castil —  ang nagsabi sa akin na mukhang peke ang lakad ng nasabing grupo. Operasyon ng illegal gambling daw ang totoong target nila at hindi ang mga kabarong
umoorbit.

Ibig sabihin, gustong magpakilala ng grupo nitong si Maj. Castil sa buong SPD.

Pero ang tanong ay kung bakit kailangan pang magpakalayo si Maj. Castil gayung mas di hamak na sagana sa iligal na sugal ang Malabon at Quezon City?

Dahil ba kilala na si Maj. Castil ng mga tigasing gambling lord sa Malabon katulad ni Mario Bokbok na may hawak ng sakla? Si Nancy na pinansyer ng loteng at Easy 2? Buboy Go at Rey Recto, na kapwa operator ng video karera sa buong
Malabon at Valenzuela?

Sa Quezon City, kung saan nakatirik ang gusaling tanggapan ng DILG na ipinamamayagpag nitong si Maj. Castil, nagawa bang mapatigil ng grupo ni Maj. Castil ang operasyon ng illegal gambling? Hindi! Bagkus ay lalo pang lumakas at dumami!

Totoo ba ang balita na kaya daw hindi hinuhuli itong sina Ver Bicol at Lito Motor ng grupo ng DILG ay dahil nagpaparating ng malaking intelihensiya ang dalawang ito sa Office of the Internal Service na kung saan kabilang si Maj. Castil?

Ang dalawang kumag na ito – sina Ver Bicol at Lito Motor – ang may hawak ngayon ng bookies ng loteng, Easy 2, Suwertres, karera ng kabayo at jueteng sa nasabing lungsod. Bukod pa rito ang mga video karera machines na karamihan ay pag-aari pa ng isang pulis-Quezon City na nagngangalang “Rolly.”

Ayon sa source ko, sa lotteng, easy 2 at suwertres ay halagang P80,000 na ang napupunta kada linggo sa DILG. Magkano naman kaya ang nagmumula sa karera at sa jueteng?

Sa sobrang laki ng goodwill money at lingguhang intelihensiya na ipinamudmod ng dalawang kumag na ito ay halos sambahin na sila ng mga opisyal ng Quezon City Police District (QCPD). Tama po ba General Benjardi Mantele, ang hepe ng QCPD?

Siyempre, tahimik lang kuno tungkol sa isyu ng illegal gambling itong si QC Mayor Herbert “Bistek” Bautista dahil alam niyang sabit din siya sa gulo na ito.

Totoo ba Mayor Bistek na binigyan mo daw ng basbas itong sina Ver Bicol at Lito Motor para i-manage ang lahat ng illegal gambling activities sa loob ng iyong lungsod kapalit ng mahigit sa P100,000 halaga ng intelihensiya na ipinararating sa tanggapan mo kada linggo?

Wala pa rito sina Rolex 88 at Boyet Kalabaw!

Ang Quezon City ngayon ang sentro ng illegal gambling sa buong Metro Manila.
‘Yan ang katotohanan!

Ipaliwanag mo ‘yan, Mayor Bistek, sa mga constituents mo, lalo na sa mga kagalang-galang na opisyal ng Iglesia ni Cristo at ng iba pang religious groups na pawang naka-base sa poder mo!

Naki-ride on ka pa man din sa matuwid na daan ni PNoy! Pwe!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!
Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply