Discount sa MRT, LRT inihirit

KAUGNAY sa napipintong pagpapataw ng dagdag-singil sa pasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit sa buwan ng Marso, humirit ang isang commuter’s group sa gobyerno na magbigay ng fare discount sa mga estudyante, senior citizen at may kapansanan.

Sa panayam, sinabi ni Ysabel Nabong, spokesperson ng Public Commuters and Private Motorists Alliance na kung hindi talagang maiiwasan ang fare hike sa mass transportation na pag-aari ng gobyerno ay dapat itong magbigay  man lamang  ng discounts dahil sa dinaranas na hirap ng buhay sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Nabong, may natatanggap silang kumpirmadong impormasyon na umabot na sa kanilang tanggapan sa lungsod Quezon na maraming estudyante ang napipilitang huminto sa pag-aaral habang ang iba nama’y napipilitang magtrabaho at ang iba naman ay hindi na nakababalik sa pag-aaral dala na rin ng kahirapan ng buhay.

Ayon sa reklamong tinanggap ng PCPMA, 50% ng budget ng mga estudyante ay halos sa pamasahe lang napupunta kayat kung ibibigay ang 20% discount ng MRT-LRT (Lunes-Sabado) ay malaking tulong ito sa mga estudyante, matatanda at may kapansanan.

Ayon pa kay Nabong na bukod sa pamasahe ay isang factor din ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“May report nga kami na kadalasang nagtitiyaga na lang sa puro noodles ang kinakain ng mga estudyanteng ito,” ani Nabong.

Kasabay nito, mariing nanawagan si Nabong sa lahat ng traffic enforcers na paigtingin pa ang kampanya sa programa sa dami ng ulat na maraming jeepney at bus drivers ang hindi sumusunod sa nasabing batas.

Idiniin pa ni Nabong na marami silang reklamo at report na tinatanggap tungkol sa mga abusadong jeepney at tricycle drivers na pilit naniningil ng regular fare at kung kadalasan ay sobra pa kung maningil at minsan ay hindi na rin nagbibigay ng sukli. Alex Ching

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply