DOH binawalang mamudmod ng condom sa V-Day

NANAWAGAN ang isang mataas na opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Department of Health na huwag mamudmod ng condom sa mga magsing-irog sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Lunes, Pebrero 14.

Naniniwala si Fr. Melvin Castro, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life, na ang pamimigay ng condom ay maaaring makapagbigay ng maling impresyon o impormasyon sa mga kabataan na hindi masama ang makipag-premarital sex sa kanilang nobyo o nobya, basta’t ‘safe’ at ‘protektado’ ang mga ito.

Ayon sa CBCP official, sa ngayon ay marami nang tao ang iresponsable sa pakikipagtalik at kung isusulong pa ng DOH ang paggamit ng condom ay maaaring lalong maging mas iresponsable pa ang attitude at behavior ng ilang Pinoy ngayon sa isyu ng sex.

Sinabi pa ni Castro na mas mabuti ay ipakalat ng DOH ang tamang mensahe sa mga mamamayan, partikular sa mga kabataan, na dapat silang maging tapat sa kanilang asawa, at hindi maaaring magtalik ang dalawang tao na hindi naman kasal.

Noong nakaraang taon, nagkaroon ng word war sa pagitan ng CBCP at ng DOH nang pahintulutan ni dating Health Secretary Esperanza Cabral ang pagpapamigay ng libreng condom ng isang kumpanya sa mga magsing-irog na nagtungo sa Dangwa Market sa Sampaloc, Manila,  upang bumili ng bulaklak para sa Valentine’s Day.

Depensa ni Cabral, na kilalang supporter ng Reproductive Health bill, bahagi lamang ito ng kanilang kampanya para masugpo ang pagkalat ng HIV/AIDS infections sa bansa, na hindi naman nagustuhan ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko.

Hinamon pa ng mga Obispo sa isang debate si Cabral upang patunayan na ang condom ay hindi makatutulong sa pagsugpo ng HIV/AIDS infection, at sa halip ay lalo pang makapagpapalala ng sitwasyon.

Una na rin namang pinayuhan ni Health Secretary Enrique Ona ang mga mamamayan na pairalin ang moralidad at safe sex sa pamamagitan ng pakikipagtalik lamang sa sariling asawa o kapareha, upang makaiwas na mahawahan ng naturang sakit. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply