Dole walang kakayahan sa paglilikas ng OFWs sa Libya

DAHIL sa sunud-sunod na pagbatikos ng mga manggagawa na inililikas sa bansang Libya, tahasang inamin ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ‘di kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa malalaking bansa pagdating sa paglikas ng mga mamamayan sa Libya.

Sinabi ni Baldoz na bagamat mas may kakayahan ang malalaking bansa, nitong nakaraang linggo lamang sila nakapagsimula sa paglilikas.

Ayon kay Baldoz, bukod sa ginagawa ng pamahalaan ay kanila rin inaantabayanan ang International Organization on Migration na kadalasang tumutulong sa maliliit na bansa sa tuwing mayroong mass repatriation.

Bagama’t ipinagmamalaki pa nito na mahigit dalawang daang manggagawang Pilipino ang kumpirmadong nakabalik na sa bansa mula sa Libya, dismayado pa rin ang mga overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pahirap na kanilang dinaranas bago makauwi sa Pilipinas.

Ayon sa Labor Secretary, mayroon pang dalawang libo na manggagawang nakatawid na sa mga border at nagaantay na lamang ng mga flight pabalik sa bansa.

Ayon sa mga OFW, isang flight ang naghihintay sa kanila pero pinababalik sila sa kanilang kumpanya dahil pawang mga xerox copy lamang ang kanilang dalang dokumento.

Ang hinaing ng mga OFW, kinakailangan pa umano silang maglakad ng halos dalawang oras papunta at dalawang oras pablik sa border kung saan naghihintay ang eroplanong kanilang sasakyan.

Naglabas ng sama ng loob ang mga OFW sa pamahalaang Pilipinas dahil ang tinatayang nasa mahigit 300 OFW sa isang kompanya sa Tripoli, Libya ay patuloy ang pagkakaantala ng paglikas patungong Tunisia.

Sinabi ng OFW na nakakahiya ang ginagawa ng Pilipinas dahil sila na lamang halos ang natitira sa isang eskuwelahan sa Tripoli dahil maraming foreign nationals na doon ang nakaalis.

Binigyang diin pa ng OFW na labis silang nagtataka kahapon habang nakasakay sila sa mga sumundong van nang pababain sila ng driver dahil sa kawalan nila ng pambayad.

Mayroong kinatawan umano ang Embahada na nagtungo sa Philippine Community School na susundo sa kanila pero wala naman itong baon na pambayad para sa kanilang transportasyon patungong Tunisia.

Iginiit pa nito na may sapat na pondo ang OWWA para sa paglilikas ng mga OFW na nanganganib ang buhay sa ibayong dagat.

Binatikos din ng grupo ang kabagalan ng pamahalaang Pilipinas gayung delikado na ang sitwasyon sa malaking bahagi ng Libya. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply