Drayber natagpuang patay sa loob ng taxi

KASALUKUYANG iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang 57-anyos na taxi driver na natagpuang wala nang buhay sa loob ng Tamaraw FX habang nakaparada sa tabi ng isang tulay sa Ermita, Maynila, Sabado ng hapon Pebrero 19.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Benito Cabatbat ng MPD homicide section,dakong 12:45 nang madiskubre ang bangkay ni Bienvenido Chavez, ng 166 M.H. Del Pilar st., Pamplona I, Las Piñas City sa loob ng kanyang minamanehong taxi habang nakaparada malapit sa service road ng MacArthur Bridge sa Lawton, Ermita.

Nilapitan umano ni Rey Zaragoza, isa ring taxi driver at kaibigan ng biktima, upang gisingin ang biktima sa pag-aakalang tulog ito sa kulay puting Tamaraw FX (PWF 663) na may body name na “Earth Transport.”

Dahil hindi magising-gising  sa pagkakakatok sa sasakyan ay saka lamang niya binuksan ang pinto, dahilan upang madiskubreng isa na itong malamig na bangkay.

Agad niya itong ipinagbigay-alam sa pulisya na siyang nagresponde sa lugar.

Wala namang palatandaan na sinaktan ang biktima kaya’t isasailalim ito sa awtopsiya upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.

“Parang inatake ng heat stroke yung biktima, pero ipapa-awtopsiya natin dahil baka nilason din,” ayon kay Cabatbat.

Patuloy naman  nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Yvan Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.  Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply