Driver ng Ferrari na nanuhol sa traffic enforcer, kakasuhan ng bribery

TINIYAK ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na sasampahan nila ng kasong panunuhol ang driver ng bumanggang kotseng Ferrari matapos makuhanan ng larawan habang sinusuhulan ang tauhan ng kanilang Road Emergency Group na unang rumesponde sa nangyaring aksidente sa Ortigas Avenue sa Pasig City.

Sinabi ni Tolentino na isasampa nila sa Lunes, Pebrero 7, ang kasong bribery laban kay Vincent Escobar dahil parehas lamang na may pananagutan sa batas  ang tumanggap at nagbigay ng suhol sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Si Escobar ang driver ng Ferrari na may plakang XRJ-373 na bumangga sa center island noong nakaraang linggo at siyang nakuhanan ng larawan habang binibigyan ng suhol ang kanilang tauhan na si Rodelio Sison.

Magugunita na ipinagmalaki pa umano ni Escobar na kamag-anak siya ng isang Heneral na hindi naman niya pinangalanan nang tumangging ipagalaw kaninuman ang kotseng sangkot sa aksidente.

Nilinaw naman ng MMDA chief na dumaan sa tamang proseso ang ginawa nilang pagsibak sa tungkulin ng kanilang kawaning si Sison matapos aminin na tumanggap nga siya ng suhol na salapi mula kay Escobar.

Binalaan din ni Tolentino ang mga motorista na iwasan ng magtangkang suhulan ang sinuman sa kanilang mga traffic enforcers kung ayaw nilang maharap din sa kahalintulad na kaso. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply