Emergency power kay PNoy kapag may oil crisis, tablado kay ‘Chiz’

TABLADO sa kaalyadong si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang panukalang bigyan ng Kongreso ng kaukulang emergency power si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino, III sa oras na magkaroon ng krisis sa supply ng langis sa harap nang lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan at West Africa.

Ayon kay   Escudero, chairman ng senate committee on national defense and security, ang kailangan ngayon ng gobyerno ay karagdagang ngipin para labanan ang oil cartel at hindi ang emergency power.

“What kind of emergency powers are they proposing to give? Instead, we should amend the oil deregulation law to give the Department of Energy more powers to intervene and prevent the abuse of the market by the players,” diin ni Escudero.

Ipinaliwanag ng senador na hindi natupad ang orihinal na layunin ng Oil Deregulation Law of 1998 na magkaroon ng kumpetisyon ang mga kompanya ng langis sa bansa para magpababaan sila ng presyo, bagkus ay parang nagkukutsabahan pa ang Big Three na binubuo ng Petron, Caltex at Shell sa presyuhan ng produktong petrolyo ngayon.

Kung mabibigyan ng karagdagang ngipin ang DoE, naniniwala si Escudero na pangmatagalan na ang solusyong ito dahil nakalatag na ang baston na hahataw sa mga kompanya ng langis na magsasamantala sa publiko.

Itinulak nina Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento at Kasangga party-list Rep. Teodorico Haresco ang pagbibigay ng emergency power sa Pangulo kapag nagkaroon ng oil crisis sa bansa sanhi ng kaguluhan sa oil-producing countries na Bahrain at Libya.

Kabilang sa inihahanda nilang emergency plan ay ang pagrarasyon ng gasolina sa mga motorista at ang pagbuhay ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF). Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply