Empleyado ng San Lazaro todas sa suntok

INIIMBESTIGAHAN na ng Manila Police District (MPD) kung sa suntok namatay ang isang empleyado ng San Lazaro Hospital na basta na lamang bumagsak sa Security Office ng nasabing pagamutan, iniulat Biyernes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Romwel Mendoza, 42, ng 1546 Felix Huertas st., Sta Cruz, Maynila.

Sa report, nabatid na Huwebes ng 2:10 ng hapon nang basta na lamang bumagsak ang biktima sa Property Building ng San Lazaro Hospital sa Sta Cruz, Maynila.

Sa salaysay ng isang Ysrael Waminal, security guard ng ospital, bago ang pagkamatay ni Mendoza ay may nag-report sa kanya hinggil sa pag-aaway ng biktima at ng suspek na si Jaime Morales, 25, ng 1610 M. Hizon st., Sta. Cruz, Maynila.

Nang puntahan niya ang dalawa ay naabutan niyang hawak pa ng biktima ang leeg ng suspek.

Nang kanyang paghiwalayin ay nakita umano ni Waminal ang knuckle na suot ng suspek.

Dahil dito, dinala ni Waminal ang suspek sa security office para imbestigahan.

Ilang sandali pa ay dumating din ang biktima pero bago pa man makaupo ay bumagsak ito sa sahig at agad na namatay.

Inaalam ng pulisya kung ang pagkakasuntok ng suspek na may suot na knuckle ang dahilan ng pagkamatay ni Mendoza. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply