Entrance exam sa bagong pulis itinakda sa Abril

ITINAKDA ng National Police Commission (Napolcom) ang pagbibigay ng Philippine National Police (PNP) Entrance and Promotional Examinations sa Abril 17 para sa mga nais maging miyembro ng pulisya

Ngunit hindi tulad ng nakaraang pagtanggap ng aplikasyon, sinabi ni Napolcom Vice-Chairman Eduardo Escueta na binago nila ang ilang proseso kung saan kinakailangang personal na magtungo sa tanggapan ng Napolcom  ang mga aplikante at isumite ang kanilang aplikasyon.

Ito’y upang maiwasan umano ang “identity switch” o palitan ng tao na kukuha ng pagsusulit.

Maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon ang mga interesadong maging pulis mula Pebrero 7 hanggang Marso 11, 2011.  Bukas ang aplikasyon sa lahat ng sibilyan na nagtapos ng kolehiyo, hindi lalagpas ng 30 taong gulang, may taas na 1.62 metro sa lalaki at 1.57 sa babae.

Ang mga papasa sa pagsusulit ay makakukuha ng ranggong Police Officer 1 habang ang mga papasa naman sa promotional exam ay aakyat sa ranggo na katumbas ng kinuhang “Eligibility Rank Coverage (ERC)”.

Tinatayang nasa 2,000 examinees lamang ang tatanggapin ng Napolcom para sa PNP Entrance exam at 2,500 naman sa promotional exam.

Idinagdag pa ng komisyon na magiging “fist-come, first-served basis” ang pagtanggap ng aplikante.

Matatandaan na sinabi ng Napolcom na kanilang dadagdagan ng mga katanungan ukol sa values ang ibibigay na pagsusulit upang makatiyak sila na ang mga makukuhang bagong pulis ay may kapabilidad na maging matino at hindi makasama sa mga bugok na recruits. Johnny F. Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply