Erap to PNoy: Diwa ng EDSA dapat isabuhay

DAPAT seryosohin ni Presidente Benigno Aquino, III ang kampanya nito laban sa katiwalian sa lahat ng mga ahensiya ang gobyerno.

Sa isang panayam, sinabi ni dating pangulong Joseph Estrada na umaasa siyang tototohanin ng Chief Executive ang pagsasabuhay sa diwa ng EDSA People Power Revolution.

Ang dating pangulo ay sorpresang bisita sa EDSA event ni Pangulong Aquino sa POEA kung saan kasama ito sa unveiling ng isang historical marker.

Pinasaringan din nito  ang gobyernong Arroyo sa pagsasabing kung si dating Pangulong Corazon Aquino ay ”icon of democracy,” si dating Pangulong Arroyo naman ay icon of corruption.

Pinangunahan ni PNoy ang paggunita sa ika-25 taong anibersaryo ng EDSA 1. Dumating ito ng alas-7:30 ng umaga at kaagad na sinalubong ng full military honors, kabilang na rito ang 21-gun salute sa People Power Monument.

Nakiisa rin sa nasabing okasyon sina Vice President Jejomar Binay, kaalyado ng namayapang dating pangulong Corazon Aquino, dating pangulong  Fidel Ramos at dating National Movement for Free Elections chairman Jose Concepcion, Jr.

Si Freddie Aguilar naman  ang kumanta ng  ”Bayan Ko,” itinuturing na anthem ng protest rallies laban sa mga Marcoses noong 1980s.

Nanawagan ang pangulo ng  patuloy na pagkakaisa sa publiko, ngunit kapansin-pansin  na hindi nito pinaligtas na bigwasan ang Marcos at Arroyo regime.

“Naniniwala tayo na sa halip na magkawatak-watak maari tayong magkaisa. Sa halip na magnakaw maari ta-yong maging tapat sa katungkulan. At sa halip na matakot maari tayong magtiwala sa ating pamahalaan,” ayon kay Aquino.

Sinabi rin nito na ang tanging paraan upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan ay sa pamamagitan ng “responsible governance” at tamang paggastos sa buwis na kinokolekta ng pamahalaan.

“Sa kasamaang palad, ayaw man aminin ng ilan, hindi nangyari sa nakalipas na dekada ang dalawang bagay na ito. May naging taksil sa kanilang katungkulan. May mga naglimas sa kaban ng bayan. Kaya naman todo kayod ang inyong pamahalaan sa pagpapatupad ng reporma upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan,” anito na ang pinasaringan ay ang Arroyo government.

Binatikos naman nito ang Marcos regime dahil sa pagdeklara ng Martial Law noong  1972.

“Ang dating tagasunod ni Ginoong Marcos ay unti-unti namulat sa katotohanang hindi ang kinabukasan nila ang tinataguyod niya kundi ang makasariling interest lamang ng kanyang pamilya. Unti-unting napansin ng Pilipino habang nabawasan ang pagkain sa mesa parami nang parami ang mga sapatos sa cabinet ni Ginang Imelda,” ani Aquino.

Hinikayat din ng Pangulo  ang mamamayan na magkapit-bisig at makiisa sa ipinaglalaban ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsugpo sa korapsyon. Kris Jose/Nenet Villafania/Verlin Ruiz/Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply