Eula Valdez natalbugan ng komedyante sa stage play

NATALBUGAN nga ba ng komedyanteng si Gabe Mercado si Eula Valdez sa musical na “Zsa Zsa Saturnah…Ze Musical Veck with a Vengeance” sa Tanghalang Aurelio Tolentino ng Cultural Center of the Philippines?

Dahil ang kuwela-kuwela ni Gabe na sa kanyang pag-amin ay kauna-unahan niyang pagganap na nagtititiling bading sa teatro.

Masyadong matindi ang pag-arte ni Mercado bilang Didi na isang baklang kaibigan ng may-ari ng beauty parlor na si Ada na nagtatransporma bilang Zsa Zsa Saturnah para laban ang kasamaan sa kanilang lugar.

Nakakapagpagulong sa katatawa si Gabe sa kanyang pagkunday ng daliri, pagkilo ng boses at pagkendeng-kendeng.

At ang kanyang sariling komersyal na Yakult ay kanyang ginagad nang sabihin ng kanyang kaeksena na ‘okey ka ba t’yan?’ na sinagot ni Gabe ng ‘wala nang career ‘yon.”

Kauna-unahan din ni Mercado ang pagganap sa Tanghalang Pilipino kaya naman ibinuhos niya ang kanyang talento rito.

TATAY NI ANDI EIGENMANN, PUMASA KAYA ANG PAG-AWIT KAY PETE LACABA?

Bihira ang nakakaalam na ang tatay ni Andi Eigenmann na si Mark Gil ay kumakanta pero totoo, mga kaibigan, marunong umawit si Mark.

Dahil siya ay isang Eigenmann at lahat ng mga anak ni Eddie Mesa ay magagaling kumanta dahil nagmana silang lahat sa kanilang ama na isang mahusay na singer kaya ito ay bininyagang Elvis Presley of the Philippines.

Kaya, Martes ng gabi, ika-22 ng Pebrero, 2011 ang husga kung may karapatan ngang kumanta sa entablado ng Conspiracy Bar sa Visayas Avenue si Mark sa pamamagitan ng concert na “Salinawit,” ang konsepto ng palatuntunan na sinimulan ng premyadong manunulat na si Jose F. Lacaba, kilala rin sa tawag na Pete Lacaba.

Ano nga kaya, mabigyan ng katarungan ni Mark, Ralph Eigenmann sa tunay na buhay, ang pagkanta sa publiko at hindi siya magpapatalbog sa kanyang mga kapatid na sina Michael de Mesa at Cherie Gil na  kapwa magagaling sa nota.

***

Ayon kay Lacaba, kung nakuha niya si Ricky Davao para magbigay-interprestasyon sa kanyang mga isinaling awitin na madalas ay mula sa Ingles, ngayon ay si Mark naman ang kanyang inimporta na magaling ding aktor.

“Wala kaming malaking budget para sa talents pero ang participation nila ay enough to merit attention,” pahayag ni Lacaba.

Sa katunayan, nanggagaling sa kinikita sa tiket ng gabing pagtatanghal ang ibinabayad sa mga singer.

At bale-wala naman sa mga guest singer na tulad nina Davao at Mark ang suweldo sa kanilang pagkanta kung ikukumpara sa kanilang pagbibigay-buhay sa mga kanta ni Lacaba.

Kabilang din sa mga nakabahagi na ng show ni Pete sina Reli German, Bayang Barrios, Scarlett, Cooky Chua at marami pang iba.

Mamaya rin ay kasama si Miguel Castro, ang sikat na bituin sa teatro at telebisyon na bahagi rin ng “Aawitan Kita” live concerts sa Makati City at Astarte Abraham sa mga kakanta sa “Salinawit.”

Ang concert na ito ay pinapanood ng mga may sinasabing tao sa lipunang Filipino lalo na mula sa sining kabilang sina Virgilio Almario, National Artist for Literature, Vim Nadera na laging nananalo sa Palanca Memorial Awards for Literature, Joey Baquiran na miyembro ng Young Critics Circle, mga pulitiko at mga alagad ng sining. Boy Villasanta

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply