Executive Sec. Paquito Ochoa lusot na sa CA

WALANG kahirap-hirap na lumusot sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si Executive Secretary Paquito Ochoa.

Matapos lumusot sa CA committee on government corporation and other offices, Miyerkules ng umaga, agad isinalang ang kumpirmasyon ni Ochoa ngayong hapon sa plenaryo kung saan wala ni isang miyembro ng komisyon ang tumutol sa nominasyon ng kalihim matapos isinulong ni committee chairman Rep. Rosendo Labadlabad.

Si Ochoa na naging administrator ng Quezon City sa loob ng pitong taon mula 2003 hanggang 2010, ay pampitong kalihim na ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na lumusot sa CA.

Nabatid na kabilang sa lumusot sa kumpirmasyon ng CA ay sina DENR Sec. Rogelio Singson, Agriculture Sec. Proceso Alcala, Tourism Sec. Alberto Lim, Energy Sec. Jose Rene Almendras, DTI Sec. Gregory Domingo at DepEd Sec. Armin Luistro.

Nakabinbin naman sa CA ang kumpirmasyon ni Health Sec. Enrique Ona matapos ang pagtutol ni Sen. Miriam Defensor-Santiago dahil sa pagpabor ni Ona sa commercialization ng internal organs partikular ang kidney.

Nilinaw naman si Sen. Ramon “Bong” Revilla na “deferred” lamang at hindi bypassed ang ad interim appointment ni Ona dahil muli itong isasalang sa pagdinig ng CA sa susunod na Linggo.

Tiwala naman si Revilla na makakalusot pa rin sa CA si Ona oras na maayos nito ang problema kay Sen. Santiago na tanging miyembro ng CA na kumontra sa pagpapatibay ng kanyang appointment. Gwenn Salamida

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply