Extradition ng suspek sa Dacer murder kinatigan ng US court

LUMALAKI ang posibilidad ng pagbabalik ng dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Michael Ray Aquino matapos pagtibayin ng Court of Appeals ng Estados Unidos ang extradition order dito.

Matatandaang hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos na pabalikin sa bansa si Aquino dahil sa pagkakasangkot nito sa pagpatay kina public relations practitioner Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.

Sa limang-pahinang desisyon, ibinasura ng United States Court of Appeals for the Third Circuit ang petisyon ni Aquino at kinatigan ang naunang desisyon ng US District Court of New Jersey.

Nauna nang ibinasura US District Court of New Jersey ang inihaing pagkontra ni Aquino sa extradition request ng Pilipinas.

Kumbinsido ang US Court of Appeals na sapat ang ebidensya para sabihing may “probable cause” ang reklamo laban kay Aquino, na inaakusahang nakipagsabwatan para paslangin sina Dacer at Corbito.

Hindi binigyan ng bigat ng appellate court sa Amerika ang ginawang pagpuna ni Aquino sa kabiguan ng district court na ikunsidera ang DNA evidence dahil hindi naman iyon pormal na hiniling ni Aquino.

Tinukoy pa sa nasabing desisyon na kahit pa iginiit noon ni Aquino sa district court ang pagbibigay ng konsiderasyon sa DNA evidence ay hindi pa rin magbabago ang resulta.

Iginiit ni Aquino sa kanyang petisyon na nagnegatibo sa human DNA ang mga buto na narekober sa lugar kung saan natagpuan ang umano’y mga labi nina Dacer at Corbita.

Pero tinukoy naman ng korte na sa kaparehong ulat tungkol sa DNA na tinutukoy ni Aquino, malabo na umanong masuri para sa human DNA ang mga buto ng dalawang biktima dahil sunog na sunog na ang mga buto nila nang marekober. Teresa Tavares

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply