EZ-2 talamak sa Baguio

NAGKALAT na naman ang kubrador at kabo ng EZ-2 sa Baguio City makaraang basbasan ng mga opisyal ng kapulisan ang pa-bookies ng dalawang iligalista sa lungsod, iniulat Sabado, Pebrero 5.

Ito ang ibinunyag sa Remate Expose ng ilang konsernadong mamamayan sa nabanggit na lungsod.

Anila, parang nagpapataya rin ng jueteng na may dalang EZ-2 sheet na may tatak ng PCSO ang mga kubrador at kabo pero hindi naman ipinapasok sa kaha ng dalawang iligalistang sina Allan Tantay at Elmo Dacumos na kilalang malapit sa alkalde ng lungsod.

Ipinagmamalaki umano ng mga kubrador na malakas ang kapit nina Allan at Elmo sa mga opisyal ng kapulisan dahil sa lingguhang payola na ibinibigay nila sa mga ito.

Kumikita umano sina Allan at Elmo ng libo-libong halaga kada araw sa umano’y mga panloloko sa ahensiya ng gobyerno subalit patuloy namang nagbubulag-bulagan ang mga opisyal ng PNP dahil sa lingguhang payolang tinatanggap ng mga ito.

Maging si Mayor Domogan ay isinasangkalan na may usapan na sila at may basbas para mag-opereyt ng  iligal na pa-bookies ng EZ-2 gamit ang prangkisa ng PCSO na nagsisilbing front lamang upang hindi dakpin ng mga pulis.

Kaugnay nito, nanawagan ang mga residente sa lungsod ng Baguio kina Baguio City CIDG officer P/Supt. Moises Guevarra, PNP Regional Director PC/Supt. Villamor Bumanlag at City Director P/Supt. David Lacdan na magsagawa ng agarang aksyon at atasan ang kanilang mga tauhan na pahintuin ang talamak na bookies ng EZ-2 nina Elmo at Allan para patunayan na hindi sila tumatanggap ng payola linggo-linggo.

Nais din nilang manawagan kay PNP chief Director General Raul Bacalzo na ipatupad kina Bumanlag, Lacdan at Guevarra ang one-strike policy ng Philippine National Police kaugnay sa talamak na iligal na pasugalan sa nabanggit na lungsod. Benito de Guzman

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply