Fare hike sa LRT, MRT, ipinatitigil kay PNoy

UMAPELA si  Senador Manny Villar sa administrasyong Aquino na isantabi muna ang inaprubahang dagdag-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) habang wala pang ginagawang hakbang ang gobyerno upang matulungan ang apektadong pasahero.

Ayon kay Villar, dagdag pasanin sa mga mananakay ang umento sa pasahe sa LRT at MRT at mababawasan nito ang arawang kita ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor.

Sa pagtaya ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa epekto ng fare increase sa MRT, 9.9 porsyento ng minimum daily wage ang mapupunta lamang sa pasahe.

Umaabot sa 81 porsyento ng sumasakay ay nagtatrabaho, 12 porsyento lamang ang estudyante at 7 porsyento ang walang trabaho.

Noong Enero, inaprubahan ng DOTC ang umento sa pasahe sa MRT kaya magiging P15 ang minimum habang P25 ang maximum.

Ang pasahe sa LRT-1 naman ay tataas sa P 20 hanggang sa P30.

Kasabay nito, inirekomenda rin ni Villar sa pamahalaan na bilhin ang natitirang pribadong share ng MRT-3 upang sa gayon ay mabawasan ang pagkalugi ng gobyerno sa pagbibigay ng kita sa pribadong korporasyon.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on economic affairs kamakalawa ng hapon, lumabas na pag-aari ng gobyerno ang 76 na porsyento ng MRT-3 subalit may 24 na porsyento pang hawak ang mga pribadong korporasyon.

Ayon kay Villar, chairman ng komite, ngayon pa lamang ay bilhin na dapat ng gobyerno ang 24 na porsyento share ng iba’t ibang pribadong korporasyon upang sa gayon ay makatipid ang gobyerno sa babayaran sa kanila hanggang sa ika-25 taon ng kanilang kontratra. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply