Fare hike sa MRT at LRT tuloy na sa Marso 1

KINUMPIRMA na ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) na tuloy na ang dagdag pasahe sa tren sa Marso 1, 2011.

Ayon kay Transportation and Communications Secretary Ping de Jesus, posibleng makaapekto sa implementasyon ang mga resulta ng ginawang public consultation subalit sa ngayon ay itutuloy pa rin ito at wala pang abiso kung ipagpapaliban o hindi ipatutupad.

Binigyang diin ni De Jesus na subsidized pa rin ang pasahe at lalapit lamang sa pasahe ng airconditioned bus ang dagdag dito.

Ang pagtitiyak ay ipinahayag Miyerkules ng umaga, Pebrero 16 ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesperson Atty. Hernando Cabrera matapos ang public consultation na nakasentro sa train fare adjustment noong nakaraang linggo.

Ayon kay  Cabrera, nitong Martes, nagpulong ang LRT at MRT board para maplantasa na ang halaga ng fare adjustment at petsa kung kailan ito ipatutupad.

Sinabi pa ni Cabrera na tinalakay din ng board ang mga isyung lumutang sa public consultation, tulad ng 15 percent discount para sa mga estudyante at gawing paunti-unti ang pagtaas ng pasahe sa LRT at MRT.

Sa naunang inaprubahang provisionary fare ng LRTA board noong Enero 11, gagawin nang P11 ang boarding fee at dagdag na P1 naman para sa bawat susunod na istasyon.

Una nang iginiit ni Senador Ralph Recto na ipahinto na ng pamahalaan ang pagtaas ng singil sa pasahe lalo’t may kumpanyang nagpahayag ng interes na bilhin ang MRT. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply