Gabinete ni P-Noy igigisa sa mabagal na paglilikas sa Libya

IGIGISA ng Senado ang ilang matataas na opisyal ni Pangulong Benigno Aquino, III hinggil sa mabagal na paglilikas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa tumitinding sigalot sa Libya.

Sa press conference Lunes, Pebrero 28, sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na kailangan maipaliwanag ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung bakit mabagal ang repatriation sa mga OFWs sa harap ng P100 milyong contingency fund.

Ayon kay Santiago, nakatanggap siya ng ulat na marami sa na-standed na OFW sa Libya gayundin sa katatapos na gulo sa Egypt, ay dahil sa wala silang hawak na pasaporte dahil sa itinago ito ng kanilang employer sa pagdating pa lamang nila sa nasabing bansa.

“If that is the case, then why we did not just activate the OWWA fund so that we could get the passport as fast as possible. This is why I’m calling for an oversight assessment of the P 100 million repatriation fund of OWWA,”pagdidiin ng senadora.

Sa kabagalan ng gobyerno, ang mga manggagawang Filipino na lang umano ang natira sa Libya dahil sa nailikas na ang mga manggagawang Chinese, Korean, American, German, British at Italian.

Noong Biyernes ng gabi lamang tumulak patungong Tunisia si acting Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario upang pangasiwaan ang repatriation ng mga OFWs na naipit ng kaguluhan sa Libya pero bago pa man ito makaapak sa lupa ng nasabing bansa, nakauwi na sa Pilipinas ang 98 Pinoy noong Sabado na tinulungan ng kanilang mga amo.

Tumanggi namang magkomento si Santiago kung nararapat ang ginawang pagdalo ni Pangulong Noynoy Aquino sa street party kaugnay ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng 1986 People Power Revolution.

Hindi na rin nito kinuwestiyon ang timing ng pagsibak kay Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo habang kumukulo ang tensyon sa Hilagang Africa at Middle East.

“This must be a result of some glitches within Malacanang protocol,” sagot na lang ni Santiago. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply