‘Gambling republic’

ANO kaya ang masasabi ng mga obispo sa tila lalong paglawak ng sugal sa bansa?

Nito lamang nakaraang linggo napabalitang gagawing mas madali para sa mga sugarol ang pumusta sa karera ng kabayo.

Kung dati ay kailangang pumunta sa kanto upang panoorin ang karera at tumaya, ngayon ay mas pinadali ng isang television network ang pagtaya sa sugal.

Pumirma ang Manila Jockey Club Inc., ang operator ng karera, ng kontrata sa GMA New Media Inc. (NMI), subsidiary ng television giant na GMA Network, upang mas mapadali para sa publiko ang pagsugal.

Ayon sa kaibigan kong si Judd Gallares, presidente at chief operating officer ng NMI, ang kanyang kompanya ang magbibigay ng teknolohiya para pwede nang tumaya ang publiko sa karera sa pamamagitan ng internet at cell phone.

Ang sabi naman ni Alfonso Reyno III, executive vice president at COO, ng Manila Jockey Club, gusto nilang ma-upgrade ang “leisure” na ibinibigay nila sa publiko.

Tig-sampung milyong piso ang taya ng NMI at Manila Jockey Club sa bago nitong venture na magsisimula sa kalagitnaan nitong taon.

Ipinagmalaki naman ni Atty. Felipe Gozon, chairman at chief executive officer ng GMA Network, na sa pamamagitan ng bagong teknolohiya mas mapadali para sa mga sugarol ang tumaya.

Pwede rin daw magamit ang kanilang teknolohiya sa iba pang sugal, tulad ng sabong.

Sa jueteng kaya, pwede rin?

Natuwa naman ang mga tao sa Manila Jockey Club dahil sigurado umanong dadami ang tataya sa karera dito sa bansa at pwede nang makipag-kompetensya sa pakarera sa ibang lugar, tulad sa Amerika, Hong Kong, Japan, at London.

Saganang atin, tila may mali sa lohika.

Sa gitna ng kahirapan ng ating bansa, sa gitna ng paglaban ng kasalukuyang gobyerno sa sugal na nagpapariwa sa taumbayan, heto ang dalawang higante sa industriya ng media at sugal na humihikayat sa publiko na pumasok sa bisyo.

Hindi pa ba sapat ang kabaliwan ng taumbayan sa jueteng, masiao, “suertres” at lotto at lalo pang pinapalawak ang karera ng kabayo?

Bakit nga ba tinutulungan pa natin ang publiko na mapadaling lustayin ang kakarampot na nga lang nilang kinikita para sa sugal sa halip na ipambili ng pagkain?

Hindi papasok ang dalawang higanteng kompanya na yan sa proyekto at tataya ng tig-sampung milyong piso kundi sila sigurado na kikita ng limpak-limpak na salapi.

Sa huli, walang ibang malulugi sa bagong raket na yan kundi ang taumbayan.

Nasan na kaya ang mga obispo, ba’t di pa sila nagsasalita sa usaping ito? Baka naman busy pa sa pag-compute ng mga kombinasyon na kanilang tatayaan mamayang hapon.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply