GANTI (Ika-63 labas)

HINDI rin maisipan ng mga pulis na birahin ng flamer thrower ang isang rekwang daga dahil masusunog ang mansiyon ni Mr. Alegria.

Lalo namang hindi makagalaw ang mga bumbero dahil sa dami ng daga, hindi nila ito mauubos lunurin.

Ang pinangangambahan nila ay kapag nagalit ang mga ito at sila ang maisipang atakehin.

Wala silang kalaban-laban sa mga ito na habang nagtatagal ay nadaragdagan ang bilang.

Talo pa nina Mr. Alegria ang na-hostage ng mga daga sa loob ng kanilang mansiyon.

Wala silang madaanan palabas …

Mainit na sa loob dahil walang aircon …

Pinutol na ng mga daga ang wire ng kuryente.

Parang may isip ang mga maruruming hayop.

Kanya-kanya silang hanap ng madadaanan papasok sa konkretong bahay.

May sa kanal dumaan papasok …

Meron namang nakagawa ng butas sa kahoy na bahagi ng mansiyon at dito dumaan papasok.

Nalaman na lang nila na sangkaterbang daga na ang nasa loob ng mansiyon.

Una nilang natiyempuhan sina Morgan, Bart, Drigo at James.

Sinalakay nila ang apat.

Nanlaban sila …

Namaril …

Nang maubusan ng bala, naghagilap sila ng pamalo at lumaban ng sabayan sa mga daga.

Pero hindi sila umubra sa dapal ng maruruming hayop.

Malagim na wakas ang kanilang sinapit.

Nasimot ang kanilang laman sa mga gutom na daga.

Buto na lang nila ang nalabi.

Sina Mr. Alegria na ang susunod.

Sa gipit na kalagayang iyon, tarantang inutusan ng una si Aling Dolores.

“Ikaw ang may pakana sa paglitaw ng mga dagang iyan, matanda ka. Mag-isip ka
ng paraan kung paano sila mapapalayas,” galit na sabi ng lalaki.

Ang kaganapan sa mansiyon ng lalaki ay hindi nalilingid kina Bogart at Helen.

“Wala na silang magawa. Talong-talo na sila. Pababayaan ba natin silang lapain ng mga daga?” tanong ng dalagita sa lalaki.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang maramdaman ng lalaki na may gustong makipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng mental telepathy.

Sinagot ni Bogart ang panawagan …

Natuklasan niyang si Aling Dolores ang tumatawag …

Suko na raw sila.

Nakikiusap siya kay Bogart na palayasin na nila ni Helen  ang mga daga na sumalakay sa mansiyon ni Mr. Alegria.

Humingi naman ng kundisyon ang lalaki.

Kailangang bigyan na sila ng katahimikan ni Helen bago paligtasin ang mga ito sa matatalim na pangil ng mga daga.

Pumayag si Aling Dolores.

Matiim na nag-concetrate si Bogart.

Sa pamamagitan ng mind power, nagpaabot siya ng mensahe sa puting daga.

Inutusan niyang mag-withdraw na ang mga ito.

Nagulat na lamang ang mga tao nang nakahanay na iwan ng mga daga ang tahanan ni Mr. Alegria.

Mabilis silang umalis at mabilis ding nawala.

Nakahinga nang maluwag sa loob ng mansiyon si Mr. Alegria.

Iyak sa takot ang dalawang babae na kinuha niyang kapartner sa kama.

“Akala ko ay katapusan na natin. Mabuti at naisipan tayon iwan ng mga daga,” nanginginig pa rin sa takot na sabi ng isa.

Kinunan sila ng interview ng mga reporter.

Kung ano ang dahilan at hinostage sila ng mga daga.

Hindi sila nagbigay ng komento.

Hindi marunong tumanggap ng pagkatalo sina Aling Dolores at Mr. Alegria.

“Naisahan natin sila,” sabi ng mangkukulam. “Pinalabas ko na suko na tayo sa kanila kaya pinaatras nila ang hukbo ng mga daga sa pagsalakay sa atin.” Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply