GANTI (Tatapusin)

“SAYANG ang buhay ninyo pero hindi ako marunong maawa sa isang kaaway,” sabi ni Mr. Alegria kina Bogart at Helen.

“Ngayon na ang oras ng aking paniningil para kay Pilar at kay Alexandra!” nagliliyab naman ang mga mata sa galit na sabi ni Aling Dolores.

Hindi sumagot si Bogart …

Para sa kanya, sayang lang na magpaliwanag siya na napagdusahan na niya ang kanyang kasalanan.

Sa tulad ni Aling Dolores at Mr. Alegria, walang puwang ang katwiran.

Galit ang lalaki nang hindi masindak sina Bogart at Helen.

“Ang lakas ng loob ninyo. Ano ba ang ipinagmamalaki ninyo?” inis na tanong ni Mr. Alegria.

Ngumiti si Bogart …

“Wala kaming tauhan at wala ring armas pero marami kaming kakampi sa lugar na ito,” sabi ng binata.

“S-Sino? Nasaan sila? Wala naman kaming nakikita, ah!” palinga-lingang tanong ng lalaki.

“Manood ka, Mr. Alegria,” sabi naman ni Bogart.

Matapos ang sinabi, biglang pumalakpak ang huli.

Nagulat ang grupo ng lalaki nang biglang yumanig ang lupa …

Kasunod nito, nakita nilang gumalaw ang mga punong-kahoy.

Nabunot ang mga ugat sa lupa at humakbang patungo kina Mr. Alegria …

Pinalibutan sila.

Sindak ang pangkat ng una.

“Sila ang mga tauhan ko. Sa palagay mo, dehado pa ba kami sa labang ito?” nakangising tanong ni Bogart.

Nataranta si Mr. Alegria …

Nagpapanik na inutusan ang mga tauhan …

“PAPUTUKAN SILA!” malakas niyang sigaw.

Nagsimulang bumuga ng apoy ang hawak nilang mga baril.

Inikutan lang sila ng mga nabuhay na puno. Sinundan nila ng putok ang mga puno kahit saan sila bumaling.

Bigla namang dumapa sa lupa sina Bogart at Helen.

Malakas na sumigaw si Aling Dolores.

“ITIGIL  ANG PAGPAPAPUTOK AT HUWAG KAYONG MATAKOT! SA AKIN KAYO MANIWALA! HINDI TOTOO ANG INYONG NAKIKITA! DINADAYA LANG KAYO NG INYONG PANINGIN! GINAMITAN LANG KAYO NG SALAMANGKA NINA BOGART AT HELEN!”

Pero hindi na siya narinig ng mga tauhan ni Mr. Alegria dahil sa ingay ng mga putok ng baril.

Takot na takot na basta na lang sila putok nang putok …

Bara-bara ang pamamaril.

Natakot na pati siya ay tamaan, napilitang dumapa si Aling Dolores.

“DAPA, MR. ALEGRIA KUNDI’Y MATATAMAAN KA!” pasigaw na paalaala niya sa lalaki.

Pero huli na ang babala ng mangkukulam.

Mismong sa kanyang tabi bumagsak ang lalaki nang tamaan ng bala mula sa baril ng isang tauhan.

Samantala’y isa-isa na ring nagbagsakan ang mga tauhan ng una nang sila-sila ang magkatamaan.

Patay na ang lahat nang bumangon mula sa pagkakadapa sa lupa sina Bogart at Helen.

Marahang tumayo na rin ang mangkukulam.

Mailap ang mga mata …

Naghahalo ang panglulumo at pagkagimbal sa nakitang ayos ng mga kasama. Naliligo sa sariling mga dugo …

Wala ng gumagalaw …

Lahat ay wala nang buhay.

“Parang ikaw na rin ang pumatay sa kanila, Aling Dolores. Nilason mo ang kanilang isipan. Pinaniwala mo sila na kaya mong gapiin ang lahat sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Nakalimutan mong may Diyos na hindi papayag na magwagi ang iyong kasamaan laban sa kabutihan,” sabi ni Bogart.

Nanlisik ang mga mata sa galit ng mangkukulam.

Biglang itinaas ang mga kamay at itinutok sa dalawa.

“Kung nagawa ninyong linlangin ang kanilang paningin, ako’y hindi.
Pagbabayaran ninyo ang inyong ginawa.Papatayin ko kayo!” galit na galit na sabi ni Aling Dolores.

Hindi tuminag sa pagkakatayo sina Bogart at Helen.

Sa halip na matakot, awa ang nararamdaman nila para sa matandang babae. Tatapusin

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply