GANTI (Wakas)

“BUHAY PA KAYO, MATITIKMAN NA NINYO ANG LUPIT NG IMPIYERNO!” galit na sigaw ni Aling Dolores. “SUSUNUGIN KO KAYO NANG BUHAY!”

Nakatingin lang sa kanya sina Bogart at Helen.

Walang planong gumawa ng depensa.

Ang plano ng matandang babae, pukulin ng mga bilog-bilog na apoy ang dalawa.

At karaka niyang isinagawa ang kanyang plano …

Pero sa kanyang pagkabigla, walang apoy na nalikha ang kanyang mga palad …

Taranta ang matandang babae sa biglang pagkawala ng kanyang kapangyarihan.

Napailing-iling sina Bogart at Helen …

Alam nila na hindi nawalan ng kapangyarihan ang mangkukulam …

Pero dahil tinakasan na siya ng sariling katinuan, nawalan na siya ng konsentrasyon para magamit ang taglay na kaalaman.

Karma marahil ito sa kanya para matigil na ang paghahasik niya ng lagim sa mga walang kalaban-laban.

Dahil sa pagkabigong magamit ang kanyang kapangyarihan, sa halip na manglumo ay
tumawa nang tumawa ang matandang babae.

Tuluyang nabaliw si Aling Dolores.

At sa paraang ito lalong nalubog sa limot ang kanyang isipan na nagtataglay siya nang pambihirang kapangyarihan.

Sa ganitong ayos dumating si Mr. Lagdameo kasama ang mga pulis na hiningan niya ng tulong.

Gulat sila sa nakitang nagkalat na mga patay nina Mr. Alegria, habang baliw na tumatawa si Aling Dolores.

Hangos na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis.

Mabilis namang nilapitan ni Mr. Lagdameo sina Bogart at Helen.

“A-Ano’ng nangyari rito? Bakit patay sila lahat at bakit nabaliw si Aling Dolores?” tanong ng lalaki sa dalawa.

“Sila-sila ang nagbarilan. At si Aling Dolores  ay tinakasan ng katinuan para hindi na magamit ang kanyang kapangyarihan bilang isang mangkukulam,” sagot ni Bogart.

Natapos mag-imbestiga ang mga pulis sa mga nasawi.

Huli nilang tinanong sina Bogart at Helen.

“Ano ang nangyari rito? Bakit sila-sila ang nagbarilan?” tanong ng isang pulis sa dalawa.

“Hindi nila sinadyang magbarilan. Napagkamalan nilang gumagalaw ang mga puno at gusto silang sugurin pero nang pagbabarilin nila ang mga ito, sila-sila ang nagkatamaan. At ang matandang iyan naman na sinasabing mangkukulam ay nasiraan ng bait,” paliwanag ni Bogart.

Ilang pulis ang sumuri sa mga kalapit na puno at natuklasan nilang tadtad ng tama ng bala ang mga ito.

“Huling tanong, ano ang kinalaman ninyo sa pangyayaring ito?” tanong pa ng pulis.

“Hindi namin sila gustong mapahamak pero kailangang ipagtanggol namin ang aming
sarili laban sa kanilang kasamaan!” sagot naman ni Bogart.

Biglang nag-isip ang pulis.

Parang hindi niya na-get ang sagot na kailangan niya.

“Dadalhin na namin ang kanilang mga bangkay. Pero kapag kinakailangan kayo sa himpilan, ipatatawag ko kayo at importante na dumating kayo,” sabi pa ng pulis kay Bogart.

Tumango ang huli.

Ilang saglit pa at umalis na ang mga alagad ng batas.

Nagpaiwan si Mr. Lagdameo.

“Wala na ang banta ng lagim. Matatahimik na tayo pare-pareho,” nakangiting sabi ng una.

“At dapat na nating ibaon sa limot ang lahat. Magsisimula na kaming magbagong buhay ni Helen,” sagot naman ni Bogart.

Mahigpit na nagkamayan ang dalawang lalaki.

Matapos ito, sumakay na sa kanyang kotse si Mr. Lagdameo at umalis.

Aalis na rin sina Bogart at Helen sa lugar na iyon.
Sa bahay na ng una sila titira upang dito magsimulang magbagong buhay.
Bago sila umalis, hinagod muna nila ng tingin ang paligid na naging saksi sa isang malagim na wakas.

At kasabay nang pagsasara nila sa tahanan ng maestra ng mga mangkukulam na si  Lola Agueda, kasama na nilang isasara ang kanilang kasaysayan upang upang isang panibagong bukas ang buksan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply