Gay rights sa UN, pinatutukan sa DFA chief

HINAMON ng militanteng Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay) ang kakaupong kalihim ng ugnayang panlabas na si Albert del Rosario sa panawagang ipagtanggol ang karapatan ng lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) sa napipintong botohan sa United Nations.

Sa isang liham na ipinadala ng kilusang gay rights sa acting secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA), umapela ang mga bakla sa gobyerno na lumagda sa “Joint statement on ending acts of violence and related human rights violations based on sexual orientation and gender identity” na isasalang sa Human Rights Council sa Marso 9.

Mananawagan ang Joint Statement sa lahat ng kasaping bansa ng United Nations (UN) na wakasan ang mga batas, patakaran at krimen na lumalabag sa karapatan ng mga LGBT.

Ayon sa tagapagsalita ng ProGay na si Goya Candelario, kasali sa mga batas na ito ay ang Anti-Vagrancy Law na isang kasangkapan ng Philippine National Police (PNP) para arestuhin, saktan, at ilagay sa iskandalo ang mga bakla.

Binanggit din ng lider ng ProGay na ang homosexuality ay pinaparusahan ng kamatayan at pagkakakulong sa 70 bansa lalo na sa Asya at Africa.

Kaugnay nito, nadismaya ang ProGay sa napipintong pagkakatalaga ng umalis na kalihim na si Alberto Romulo sa posisyon na permanenteng sugo ng Pilipinas sa United Nations sa New York.

“Sa ilalim ng panunungkulan ni Romulo sa DFA, ang rekord ng pagboto sa mga UN assembly ay nakakaimbiyerna. Nito lang Disyembre, nananawagan ang mga bakla at lesbiyana kay Romulo na bumoto ang Pilipinas para ibalik ang proteksyon sa mga LGBT sa loob ng ‘Resolution on Extrajudicial, Summary, and Arbitrary Killings’ nang ito ay isalang sa General Assembly,” ibinunyag ni Candelario.

Ngunit sa halip na tumalima si Romulo sa panawagan, dinedma pa ng UN Permanent Representative Libran Cabactulan ang mga panawagan, at nag-abstain sa boto.

“Ang ginawa nina Romulo at Cabactulan ay nagpapahayag na pumapayag ang Pilipinas sa pagpatay sa mga homosexual at transgender. Ito ay nakakatakot na kaganapan dahil patunay ito na umaayon ang pamahalaang Aquino sa patakaran ng extrajudicial killings laban sa mga bakla,” dagdag pa ni Candelario. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply