Gloria Arroyo pinagigisa na sa Senado!

HINIMOK kahapon ni Franklin Drilon si dating presidente at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay ng sinasabing katiwalian sa Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa senador, iimbitahan nila si Arroyo upang bigyang-linaw ang sinasabing mga katiwalian sa AFP noong siya pa ang pangulo ng bansa at commander-in-chief ng militar.

Binanggit ni Drilon na minsan na ring humarap si dating pangulong Fidel V. Ramos sa pagdinig ng Senado upang tumestigo naman sa sinasabing korapsyon sa Centennial Expo Project sa Clark.

Nilinaw ng senador na hindi nila oobligahing dumalo sa pagdinig si Arroyo kundi iimbitahin lamang bilang respeto na rin sa dati nitong katungkulan bilang pangulo ng bansa.

Samantala, tinawag naman ni Drilon na ispekulasyon lamang ang pahayag ni Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na posibleng umabot sa mahigit P179 bilyon ang nai-convert na pondo ng AFP sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Posibleng ibinase lamang umano ni Colmenares ang kanyang kwenta sa naging pahayag ni dating AFP budget officer retired Lieutenant Colonel George Rabusa na 20 porsyento sa pondo ng personnel services ng AFP ang nako-convert umano mula noong 2001.

Iginiit ni Drilon na hindi na dapat isangkalan ang national security upang tumanggi ang AFP na sabihin ang aktwal na dami ng tropa ng sundalo sa bansa upang pagbasehan ang pondong ibibigay para sa kanilang pasuweldo dahil maaari naman itong gawin sa isang executive session.

Kahapon ay inihayag ni Pangulong Noynoy Aquino na bahala na ang Department of Justice sa paghahanap ng ebidensiya sa tinutukoy na protektor ni General Carlos Garcia sa nawawalang pondo ng AFP.

Ang Pangulo ay una nang umamin na mayroon siyang hinala kung sino ang malaking personalidad sa likod ni Garcia, subalit hindi muna nito tinukoy kung sino dahil gusto niyang may hawak siyang ebidensiya kapag ibinunyag na niya ito sa publiko.

Nilinaw ng Pangulo na hindi ito ang impormasyon na galing kay Senador Antonio Trillanes dahil hindi pa naman umano nito nakakausap ang senador. Vicky Cervales at Kris Jose

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply