Gradweyt ka na? So?

MARSO na naman. Gagasta na  naman ang mga magulang. Marami na namang kabataan ang magtatapos sa  pag-aaral. Marami ang luluha sa saya. Para namang sa pagtatapos ng mga  estudyante ay simula na ng masasayang mga araw. Hindi po.

Simula pa lang  ito ng tunay na sakripisyo.

Tapos na ang mga gabi ng pagsusunog ng kilay. Tapos na ang  pagsasagot ng “assignments” na di maintindihan. Tapos na ang pagbabayad  ng matrikula. Tapos na ang pagsisikap na may makain at mabaon araw-araw  ang mga pumapasok sa eskwela.

Simula na ng paghahanap ng trabaho, ng paglalakad sa mga lansangan  sa mga lungsod, sa pagbibilang ng poste ng kuryente, sa paggawa ng mga  wala namang katuturang resume. Tapos na ang mga matatayog na pangarap.  Simula na ng pagharap sa katotohanan na mababa lang pala ang pwedeng  liparin ng sisiw.

Ilan kaya sa mga bagong “graduates” ang magiging call center agents?  Ilan kaya sa kanila ang magiging “casual employees” sa mga pamahalaang  lokal? Ilan kaya sa kanila ang magiging “spa attendants” o di kaya’y  “guest relations officers” ng mga kunwari lamang spa o bar na di  nauubusan ng trabaho para sa mga wala pang karanasan.

Libo-libong Filipino na naman ang madadagdag sa hanay ng mga  manggagawa nating walang ginagawa. Libo-libong Filipino na naman ang  pipila sa labas ng POEA at sa mga “recruitment agency” upang  magbabaka-sakali na magamit ang kanilang pinag-aaralan sa paglilinis ng  kubeta ng mga dayuhan.

Bakit pa nga ba tayo nag-aaral ng kung ano-anong kurso kung ang kababagsakan din  lang naman ay magiging alila sa ibang bayan. Tama na siguro matuto  tayong magbasa, magsulat at magkwenta kung ang kapalaran din lang naman  ay pakikipagbolahan sa mga dayuhan.

Hindi madaling mangarap. At mas mahirap kamtin ang mga pangarap dito  sa ating bayan. Hindi kasi angkop ang karamihan sa ating pinag-aaralan  sa mga
pangangailangan ng mga kompanyang may trabaho.

Napakalungkot  isipin na pagkatapos ng pagsasaya ngayong Marso sa “graduation rites,”  kwaresma naman ang sasalubong sa mga “graduates.” Kailangan nilang  pasanin ang krus ng paghahanap ng mapagkakakitaan upang maibayad sa  utang ng mga magulang.

At kung may mapapasukan man, isang bagong yugto naman sa buhay ang  kanilang haharapin: ang pakikipaglaban sa tamang sweldo sa trabahong  tila kalbaryo.

Sa mga magtatapos ngayon Marso, gradweyt na kayo? Ano ngayon. Maghanda na kayo para sa mas masalimuot na yugto ng buhay.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply