Gringo dismayado sa resulta ng Edsa I

NAGPAHAYAG ng kalungkutan ang isa sa mga pangunahing personalidad sa makasaysayang Edsa People Power noong 1986 na nagpatalsik sa diktadurya ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos dahil hindi naman natigil ang korapsyon sa pamahalaan.

Sinabi ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na lubhang nakalulungkot ang resulta ng People Power na kanyang nilahukan dahil patuloy ang pagnanakaw sa gobyerno.

Ipagdiriwang ang ika-25 taon ng tinaguriang “Edsa I” sa Biyernes, Pebrero 25.

Pinakahuli sa mga korapsyon ay ang multi-milyong pabaon system sa mga nagreretirong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakaladkad ng kontrobersiya kamakailan ang ilang dating AFP chief na nagresulta sa pagpapakamatay ni dating AFP chief at Defense Secretary Angelo Reyes.

“Kailangan lagi tayong mapagmatyag sa gobyerno. Kailangan bantayan natin ang katiwalian na siyang puno’t dulo ng People Power,” ayon kay Honasan.

“Nakakalungkot isipin na pagkalipas ng 25 taon, hindi pa rin tuluyang nasawata ang korapsyon sa pamahalaan,” dagdag ng senador.

Bukod kay Honasan, kasamang lumahok sa nasabing pag-aaklas si dating Pangulong Fidel Ramos at Senate President Juan Ponce Enrile.

Binawi nina Ramos at Enrile ang kanilang suporta kay Marcos noong Pebrero 21, 1986, na naghudyat ng pagdagsa ng libu-libong mamamayan sa harapan ng Camp Aguinaldo at Camp Crame sa Quezon City.

“Bilang ala-ala at pagbibigay halaga sa mamamayan noon na lumahok sa matagumpay na People Power  upang ibalik ang demokrasya, dapat laging bukas ang ating mata at mapagmatyag ang publiko laban sa korapsyon sa pamahalaan,” ayon kay Honasan.

Kasabay nito, hiniling din ni Honasan sa kasamahan sa Kongreso na suportahan ang Freedom of Information bill na naglalayong isapubliko  ang lahat ng transaksiyon na pinapasok ng gobyerno.

“Naniniwala tayong malaki ang maitutulong ng FOI Bill upang maiwasan ang anumang katiwalian o korapisyon sa gobyerno na siyang ugat ng kahirapan sa ating bansa,” giit ni Honasan. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply