Gulayan sa bakuran isinulong ni Angara

HINIKAYAT ni Senador Edgardo Angara ang lahat ng mamamayan na magtanim ng gulay sa kani-kanilang bakuran sa halip na ornamental plants upang pakinabangan ng pamilya at malabanan ang lumalaganap na malnutrisyon sa kabataan.

Sa paglulunsad ng programang “Oh My Gulay” (OMG) campaign kamakailan, sinabi ni Angara na mahalaga ang nutrisyon sa pagpapalaki ng kabataan at nasa harapan lamang ng bawat tahanan ang tugon upang labanan ng malnutrisyon.

Ayon kay Angara, noong nagsimula pa lamang siya bilang mambabatas sa Senado, naglunsad sila noong 2002 ng simpleng school-feeding program na kinabibilangan ng isang basong gatas at noodles na pinalakas ng itlog.

“Napagtanto ko sa unang yugto ng aking legislative career na lumulubha ang tinaguriang hidden hunger sa mahihirap na lugar sa ating bansa. Lubhang apektado ng kakayahang pang-akademiko ng ating kabataan ang lumalalang malnutrisyon,” giit pa niya.

Dahil dito, hinikayat ni Angara ang lahat ng magulang partikular sa mahihirap na lugar na magtanim ng gulay sa kani-kanilang bakuran, o kahit sa isang paso upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang anak sa suplay ng gulay.

Kasama ni Angara sa kampanya sina Social and Welfare Secretary Cora “Dinky” Soliman, Education Secretary Bro. Armin Luistro, at Health Secretary Enrique Ona, pawang mga miyembro ng Gabinete na nangakong susuportahan ang kampanya ng OMG program. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply