Gutierrez pinatutuluyan ng SC

WALA nang ligal na balakid upang ipagpatuloy ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Ito ay matapos ibasura ng Korte Suprema, Martes, Pebrero 15, ang petition ni Gutierrez na humihiling na pigilan ang pagpapatuloy ng laban sa kanya.

Sa botong 7-2-5, sinabi ng SC en banc na walang nilabag na due process kay Gutierrez dahil maaari pa naman itong maghain ng sagot kapag itinuring ng kamara na sufficient in form and substance ang reklamo laban sa kanya.

Sinabi ng mayorya na hindi rin nalabag ang one-year ban na nakasaad sa Saligang Batas dahil ang dalawang impeachment complaint ay naisumite ng sabay at iisa rin ang idinaos na proceeding ng komite.

Magugunita na ang unang impeachment complaint ay mula kay dating Akbayan Representative Risa Hontiveros at ang ikalawang complaint ay isinumite ni Bayan secretary-general Renato Reyes ng nakaraang taon.

Matatandaan na sinabi ng House committee on justice noong September 2010 na mayroong sustansya at porma upang isulong ang dalawang impeachment complaint laban kay Gutierrez

Iginiit naman ni Gutierrez sa kanyang petition  na hindi maaaring maghain ng impeachment complaint sa Kongreso ng dalawang beses sa loob ng isang taon at malinaw na paglabag ito sa Section 3(5), Article XI ng 1987 Constitution.

Nauna nang nag-isyu ang Korte Suprema noong Setyembre 14, 2010 ng status quo ante order na pumipigil sa House of Representatives na ituloy ang pagdinig laban kay Gutierrez.

Inihain ni Hontiveros at iba pang grupo ang impeachment laban kay Gutierrez dahil sa umanoy mabagal na pagkilos sa mga kasong korupsyon sa nakaraang admnistrasyon partikular sa kaso ng  bidding ng World Bank road projects,  P728-million fertilizer scam, at ang tinaguriang  Euro generals dollar smuggling case noong 2009 at iba pa.

Hindi pa kasama sa reklamo ang plea bargain deal ni Garcia na umano’y nagbigay daan sa dating military comptroller ng madaling daan upang matakasan ang plunder case nito. Teresa Tavares

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply