Gutom nakaamba sa evac centers

NAKAAMBA ang gutom sa mga evacuation centers makaraang ilikas doon ang libu-libong residente sa paligid ng Mt. Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon kasunod ng matinding pagbuga ng abo Lunes ng umaga, Pebrero 21.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum, naitala ang tinatawag na steam-triggered explosion sa bulkan dakong alas-9:15 ng umaga.

Sinabi ni Solidum na umabot ng dalawang kilometro ang buga ng abo kung saan apektado ng ashfall ang maraming bayan malapit sa paanan ng bulkan, partikular sa bayan ng Irosin.

Dahil sa biglaang paglilikas na ito, inaasahang kakapusin ang lokal na pamahalaan sa pagkain, tubig at iba pang pangangailangan ng evacuees.

Napilitan din ang Department of Education na suspindihin ang pasok ng mga mag-aaral sa mga apektadong lugar, gaya ng Juban, Irosin at Bulan dahil sa presensiya ng mga nagsilikas sa kanilang mga paaralan.

Halos 38 estudyante naman ang dumanas ng suffocation bunsod ng makapal na ashfall at usok.

Kasabay nito, muli namang nagpaalala si Solidum kaugnay sa pinaiiral pa rin na 4-kilometer permanent danger zone, kung saan mahigpit na ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa mga lugar na sakop nito.

Nabatid kay Jerel Marquez, information officer ng bayan ng Irosin, na nag-zero visibility ang kanilang lugar dahil sa makapal na usok at abo na ibinuga ng bulkan.

Agad din aniyang pina-mobilize ang mga sasakyan para sa evacuation ng mga residente.
Kinumpirma rin nito na mas malawak ang mga lugar na apektado ng naturang pagsabog kumpara noong nakalipas na taon.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Lt. Col. Santiago Enginco, commanding officer ng 49th Infantry Battalion na nakatalaga sa bayan ng Juban sa naturang lalawigan, ang pagpapadala ng limang military vehicles para tumulong sa isinagawang paglilikas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply