Hearing vs Rep. Singson tuloy ngayong araw

TULOY ngayong araw ng Martes ang pagdinig sa drug trafficking case ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson kung saan dalawang mahalagang ebidensiya ang kanilang ipiprisenta sa Wan Chai District Court.

Sinabi ni Atty. John Reading, ang legal counsel ni Singson, na dalawang medical expert ang kanilang ihaharap sa korte para sa depensa ng kanyang kliyente.

Maliban dito, papatunayan din ng kanilang testigo na ang cocaine na nakuha kay Singson ay para sa kanya at hindi para ibenta sa iba.

Inaasahan namang kokontrahin ng prosekusyon ang pahayag ni Singson.

Kung maaalala, si Singson ay nakumpiskahan ng 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tableta ng valium sa Hong Kong International Airport noong Hunyo ng nakaraang taon.

Samantala, kung gigil ang ilang kongresista sa panawagang magbitiw o patalsikin na bilang miyembro ng Kamara si Singson, maingat naman sa isyu ang House leadership, gayundin ang ilang senior members.

Hindi pa naglalabas ng statement si House Speaker Sonny Belmonte habang sina Minority leader Edcel Lagman at Senior Deputy Minority leader Danilo Suarez ay wala pang posisyon habang nagpapatuloy pa umano ang hearing. Gwenn Salamida

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply