Iligal na sugal sa Region 2 ‘di matinag

HINDI matinag-tinag ng kapulisan ang mga iligal na sugal na jueteng, jai-alai at Small Town Lottery ng isang maimpluwensiyang gambling lord na kapit-tuko sa administrasyong Aquino sa mga lalawigan sa Region 2 o Cagayan Valley Region.

Ito ang napag-alaman kahapon sa ilang religious groups tulad ng Knight of Columbus at iba pang non-government organizations sa mga lalawigang sakop ng rehiyon.

Pinangangalandakan ng isang maimpluwensiyang gambling lord na nagngangalang Roger Carlos na walang makagagalaw sa kanyang mga iligal na pasugalan dahil kontrolado niya ang kapulisan at may basbas umano siya mula sa matataas na opisyal ng kapulisan kapalit ng limpak-limpak na salapi bilang payola sa kanila.

Ayon sa ulat na nakalap ng REMATE, nahihintakutan ang mga opisyal ng mga kapulisan sa mga lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Cagayan at Tuguegarao na makialam sa mga iligal na pasugalan sa kani-kanilang nasasakupan dahil sa bantang sisibakin sila kapag hinuli nila ang mga pasugalan sa kanilang hurisdiksyon.

Kabaligtaran naman ito sa umano’y pinaiiral na one-strike policy ni PNP chief Director General Raul Bacalzo kung saan agad na sisibakin ang sinumang opisyal ng pulisya na mapatutunayang may iligal na sugal sa kanyang nasasakupan.

Dahil dito, nanawagan ang mga konsernadong mamamayan sa mga gobernador ng mga nabanggit na lalawigan, alkalde ng mga bayang sakop nito, mga kapitan ng barangay at iba pang lokal na opisyal na umaksyon at patunayang hindi sila tumatanggap ng payola mula kay Carlos sa pamamagitan ng pakikiisa sa kampanya laban sa iligal na pasugalan sa kani-kanilang lugar.

Gayundin, pinakikilos din ng mga ito si Region 2 PNP Regional Director PC/Supt. Francisco Villaroman gayundin sina PD Jimmy Rivera ng Isabela, PD Mao Aplasca ng Tuguegarao, PD Elmer Beltajar ng Nueva Vizcaya at PD Delfin Milo ng Quirino na huwag magbulag-bulagan sa iligal na operasyon ng jueteng at iba pang iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Idinagdag pa ng mga ito na ang sistema ng iligal na pasugalan ni Carlos ay centralized na parang lotto na napapanood sa tv screen sa mga nabanggit na lalawigan na ang unang lalabas na numero ang unang bola at ang pangalawang lalabas na numero ay pangalawang bola at yun na ang labas sa may 38 bolang kombinasyon kaya malinaw na malinaw na pandaraya ang kanilang iligal na pasugalan.

Kaugnay dito, talamak din ang operasyon ng video karera at fruit games nina Norma Bautista at Clyde sa 25 bayan sa lalawigan ng Isabela na umano’y protektado rin ng matataas na opisyal ng PNP. Benito De Guzman

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply