Implementasyon sa anti-overloading law pinapipigil

IPINATUPAD na ang anti-overloading law, ika-1 ng Pebrero subalit  agad na umapela ang isang mambabatas sa Department of Public Works  and Highways (DPWH) na ipagpaliban ang pagpapatupad nito hanggang Abril.

Apela ni  Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na hangga’t nakabimbin pa ang resulta ng pag-aaral ng Kamara kung anong paraan ng batayan ng limitasyon ng bigat ng cargo vehicle ay dapat pa itong ipagpaliban.

Hanggang ngayon aniya ay hindi pa rin nareresolba ang debate sa pagitan ng mga trucker at DPWH hinggil sa angkop at iisang batayan na ang isang trak ay overloaded o labis sa timbang ng mga kargamento.

Hindi naman umano kasi magkakapareho ang bigat ng mga trak na walang laman dahil depende ito sa pagkakagawa at pinagmulang bansa.

Ayon kay Sarmiento, bagamat nauunawaan niya ang hangarin ng DPWH na pangalagaan ang lagay ng mga lansangan sa bansa na nasisira dahil sa hindi kontroladong bigat ng mga cargo at container truck, mahalaga rin umano ang papel ng mga naturang sasakyan sa pag-angat ng ekonomiya.

Punto ng kongresista, ang mga cargo at container truck na dumadaan sa lahat ng mga pangunahing lansangan at highway ang responsable sa paghahatid ng mga produktong domestiko at inangkat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ibinabala pa ng kongresista na hindi malayong tumaas din ang mga produktong inihahatid ng mga naturang trak, lalo na’t nadagdagan ang singil sa toll.

Nakasaad  sa  naturang  batas  na ang mga trak na sosobra sa itinakdang limitasyon ng bigat o axle load na hanggang 13.5 metrikong tonelada ay hindi papayagang bumiyahe sa mga national road at tulay.

Ang axle load ng isang sasakyan ay ang kabuuang bigat na nararamdaman ng kalsada sa mga gulong na nakakabit sa isang ehe.

At para sa kapakanan ng interes ng publiko, iginiit ni Sarmiento na makabubuting magsagawa ng masusing pag-aaral at matukoy ang standardized computation ng kabuuang bigat ng trak na mapapayagang bumiyahe. Beth Aragon

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply