Integridad ng mga balang nakuha sa bangkay ng Maguindanao massacre victims kinuwestiyon

KINUWESTYON ng defense lawyers sa pagdinig ng Maguindanao massacre ang integridad ng mga bala at metal fragments na nakuha ng isang medico-legal expert mula sa mga biktima.

Ito ay matapos isumite ni Senior Inspector Felino Brunia Jr., ang  prosecution’s expert witness mula sa Philippine National Police Crime Laboratory, sa Quezon City court hearing ang limang sachet na naglalaman ng mga bagay na narekober sa bangkay ng 5 sa 14 na bangkay na kanyang inotopsiya.

Sa kanyang naunang testimoya, inamin ni Brunia na nakalimutan niyang ibigay sa awtoridad ang mga bala at metal fragments matapos isagawa ang awtopsiya mula Nobyembre 25 at 26, 2009, halos isang linggo matapos ang karumal-dumal na masaker na nag-iwan ng  57 kataong patay kabilang ang 32 mamamahayag.

Sinabi ni Brunia na simula noon ay itinago niya ang mga pirasong ebidensya sa kanyang cabinet sa kanyang opisina sa General Santos City.

Nang eksaminin naman ng depensa ang sachets sa pagdinig kanina, Pebrero 23, sinabi ni lawyer Andres Manuel na ang mga bala at fragments ay wala nang bahid ng dugo.

Maliban aniya sa testimonya ni Brunia, wala rin pamamaraan para masiguro na ang mga bala ay nagmula sa mga bangkay ng mga biktima ng masaker.

Sa parte naman ni lawyer Sigfrid Fortun, abugado ng prime suspect na sina Andal Ampatuan Jr. at Andal Ampatuan Sr., sinabi nito na ang mga ebidensya ay hindi maiging naipreserba.

“Is it possible that moisture and oxidation could come in?” tanong ni Fortun.

Tinanong din ni Fortun ang testigo kung bakit hindi siya gumamit ng  hot iron para maselyuhan ang plastic sachets na naglalaman ng mga ebidensya.

Ang paggamit umano ng staple wires ay sapat na, pero inamin nito na ang plastic sachets ay “not impervious” sa tubig.

Samantala, naobserbahan naman ni lawyer Paris Real na ang plastic sachets at staple wires ay mukhang bago pa sa kabila nang matagal na umano iyong nakatago sa cabinet ni Brunia.

Gayunman, hindi naman sumang-ayon dito ang korte.

“As far as this court is concerned, they don’t look new,” pahayag ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng  QC Regional Trial Court Branch 221 matapos suriin ang mga ebidensiya.  Robert C. Ticzon

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply