Ipinapastol para kumita pinababayaan sa disgrasya

NAKAAAWA naman ang mga overseas Filipino worker.

Ipinapastol sila sa ibang bansa para magpapasok ng dolyar sa mahal kong Pinas. Pagkatapos, kapag naharap ang mga ito sa disgrasya, saka sila pinababayaan.

Kino-consuwelo de bobo lamang ang mga ito sa pagsasabing sila ang mga bagong bayani.

oOo

Tunay namang nakaaawa at nakaiiyak ang kalagayan ng mga OFW sa mga bansang nagkakagulo ngayon dahil sa kani-kanilang mga people power.

Lumalabas sa mga imbestigasyon na wala palang malinaw na programa ang Department of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Administration kung magkakagulo ang mga bansang may mga OFW.

Halimbawa na lamang sa Libya, akalain ba nating yung magkober at hindi lalabas ng kanilang tinitirhan ang habilin ng gobyerno sa mga OFW.

Eh inaatake na pala sila sa mga construction site, hinuhubaran ng mga kasuotan at papeles, kinukunan ng mga salapi at sahod at iba pang kagamitan, sinusunugan ng mga quarters at kampo at inaambahan ng mga baril, machete at iba pang kagamitan para lamang lumayas ang mga ito.

Nag-eevacuate, mga Bro, ang OFW at iba pang mga dayuhan nang walang alalay mula sa mga tauhan ng pamahalaan. Dito lang sa loob ng Pilipinas magaling magsalita ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno at gusto pang palabasin na ligtas ang mga OFW kahit nasa aktuwal nang nanganganib na ang mga ito sa kamatayan.

oOo

Tingnan ninyo, sa pasimula ng gulo, naghanda na ang ibang mga bansa ng mga eroplano at barko para itakas ang kanilang mamamayan.

Ngayon ay libo-libo ang inililikas ng mga Turko, Amerikano, British at iba pa. Ang mga OFW ay sumasama na lang sa iba para makatakas at sila-sila na lang ang gumagawa ng paraan na makalabas ng Libya hanggang sa mga border ng ibang bansa. Hanggang sa salubong na lang ang nagagawa ngayon ng pamahalaan.

Anak ng tokwa, dapat nang magbago ang pamahalaan sa pag-aalaga sa mga OFW. Nasaan na rin ang magandang trabaho sa Pinas para hindi mapahamak ang mga OFW sa labas ng bansa?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph
Benny Antiporda

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply