ISAFP building tinangkang ipasunog ng COA auditor

MINSAN nang ginustong ipasunog ng resident auditor ng Commission on Audit (COA) ang gusali ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) upang masira nang tuluyan ang mga dokumentong nagpapatunay ng korapsyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang nabulgar sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, ukol sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa AFP, partikular ang umano’y multi-milyon-pisong “pabaon” at payola sa mga dating AFP chief of staff.

“Minsan, nagkausap kami ni (Divina) Cabrera na gusto na niyang ipasunog ang kanyang tanggapan sa loob ng ISAFP building, ngunit tumanggi ako dahil hindi puwedeng selective ang pagsunog dahil masusunog ang buong building ng ISAFP,” ayon kay dating AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa.

Si Cabrera ang resident auditor ng ISAFP at nagsilbi bilang resident auditor ng AFP sa loob ng 13 taon.

Ayon kay Rabusa, iminungkahi ni Cabrera ang pagsunog sa kanyang tanggapan dahil tambak na ang “clearing documents sa kanyang likuran.”

“Pinasusunog ni Cabrera ang mga clearing documents,” ayon sa dating AFP budget officer.

Ayon pa rin kay Rabusa, tumatanggap si Cabrera ng 2 porsiyento mula sa 10 porsiyentong kinukulimbat ng opisina ng liderato ng militar.

“I deny that, Your Honor,” tugon ni Cabrera sa tanong ni Guingona kung may katotohanan ang paratang.

Pinabulaanan ni Cabrera ang mga akusasyon ni Rabusa. Aniya, ginagampanan lamang niya ang kanyang tungkulin alinsunod sa itinakda ng auditing rules and procedures.

“Hindi po ako kumikita sa sinasabing 2 porsiyento,” aniya.

Nilinaw din ni Rabusa na minana lamang niya ang naturang sistema at hindi siya at ang kasama niyang si Col. Antonio “Sonny” Lim ang nagpasimula ng naturang katiwalian. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply